TALLO AT LASTIMOSA, BUMIDA SA MPBL BACOLOD AT MANILA


ILANG buwan matapos mawala sa PBA, ipinakita ni Mark Tallo ang tikas sa MPBL habang naglalaro sa bago niyang team-Bacolod Master Sardines. Sa kanyang debut game, isang eksplosibong laro ang ipinamalas niya nang magtapos siya ng 31 puntos, 6 steals at 6 assists habang pinangungunahan ang bagong team, 87-83 na panalo kontra expansion squad Mindoro Tamaraws sa MPBL Lakan Season sa San Andres Sports Complex sa Manila.
“Medyo disappointed ako sa sarili ko kasi nu’ng nag-PBA ako, medyo tumaba ako, hindi ako naging masyadong disiplinado, kaya dito sa MPBL, may gusto akong i-prove dahil gusto ko ulit makabalik sa PBA,” saad ni Tallo.Walang sinayang na oras si Tallo. Nagbagsak ang anak ng dating PBA player na si Mark Anthony Tallo ng 14 second quarter points at saka umariba ng 10 sa pivotal fourth, kabilang na ang huling 6 points sa team.
Ang ginawa niyang jumper sa huling 38 segundo ay patunay na may ibubuga siya sa Bacolod at maghatid ng marka sa win column. Sa iba pang laban, dinale ng Manila ang Nueva Ecija, 96-86 nang gamitin ng Frontrow-Stars ang malulupet na players.
Si Carlo Lastimosa, isa sa dating ex-pros ang umalagwa sa laro ng Stars para sa opensa at bumanat ng 20 points habang si Chris Bitoon ay nagdagdag ng 18 markers. Nagpakitang-gilas din sa Manila si Jollo Go, na may 14 habang si Aris Dionisio, ang reigning Defensive Player of the Year ay may double-double performance na 10 points at 10 rebounds. Magbabalik ang MPBL sa Valenzuela Astrodome ngayong Miyerkules sa triple header.
Maghaharap naman ang host team Valenzuela at ang powerhouse Bataan sa main game ng 8:30 p.m. makaraan ng iba pang laban sa pagitan ng Basilan at Pampanga na magsasagupa ng 6:30 p.m., habang sa opening ay ang Caloocan at Pasig ng 4 p.m. (MC)





Comments