top of page
Search
  • BULGAR

Pagkansela ng gobyerno sa diplomatic passport, pagkampi raw sa China | Resbak ni Sec. Locsin kay VP

NAPAKATINDI ng insulto ni DFA Secretary Teodoro “Teddy Boy” Locsin, Jr. kay Vice-President Leni Robredo, kamakailan ay tinawag nitong “boba” ang bise-presidente. Sana raw ay may magmagandang-loob na bigyan si VP Leni ng utak, patama ni Sec. Locsin.

Napikon si Sec. Locsin kay VP Leni nang sabihin nito na ang pagkansela raw niya ng “diplomatic passport” ng mga dating opisyal ng gobyerno, lalo na ng mga ambassador ay pagpaparusa ng mga Pilipino at pagkampi sa China.

Itinatama lang daw ni Sec. Locsin ang pang-aabuso sa paggamit ng mga diplomatic passport tapos sasabihin ni VP Leni na pagkampi raw ito sa China.

Naging isyu ang paggamit ng diplomatic passport nang hindi pinapasok sa Hong Kong si dating DFA Sec. Albert del Rosario. Sinabi ba naman ni ex-Sec. Del Rosario na pambabastos daw ito sa Pilipinas dahil “diplomatic passport” ang dala niya, maling-mali ang kadramahan ni ex-Sec. Del Rosario.

Unang-una, kahit may diplomatic passport ka, karapatan ng bansa na huwag kang papasukin sa anumang dahilan.

Matatandaang, idinemanda ni ex-Sec. Del Rosario ang pangulo ng China sa International Criminal Court (ICC)

Wala namang mangyayari sa kasong ito, ginawa lang nina ex-Sec. Del Rosario at ex-Ombudsman Conchita Carpio-Morales ito para sa propaganda, para mapasama ang imahe ng pangulo ng China sa buong mundo.

Siyempre, nagalit ang gobyerno ng China, kung ikaw ba naman ang sabihan ng kapitbahay mo na masamang tao, papapasukin mo ba siya sa bahay mo?

Pangalawa, kahit may diplomatic passport ang dating ambassador o opisyal ng gobyerno, hindi niya ito basta magagamit dahil kinakailangang may misyon siyang pangdiplomatiko.

Ang ginawa ni ex-Sec. Del Rosario, gamitin ang kanyang diplomatic passport para madali siyang makalusot sa imigrasyon sa Hong Kong, bakit siya pumunta roon?

Upang dumalo sa pagpupulong ng Board of Directors ng First Pacific Co. Ltd. na nakabase sa Hong Kong.

Ngayong hindi siya pinapasok, insulto raw ito sa bansa natin. Mahina raw siya kay Pangulong Rodrigo Duterte, hindi raw siya ipinagtanggol!

Aba, bakit siya ipagtatanggol ng pangulo, eh, karapatan ‘yun ng China na huwag papasukin ang sinuman na ayaw nilang papasukin, sa anumang dahilan.

Ibang klase talaga si ex-Sec. Del Rosario, ipinahamak niya ang bansa natin kaya nawala ang Bajo de Masinloc tapos hanggang ngayon ay kung anu-ano pa ang ginagawa para mapasama ang reputasyon ni Pangulong Duterte.

Ang banat ni Sec. Locsin kay VP Leni, sa tingin lang natin ay angkop na angkop din kay ex-Sec. Del Rosario.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page