NAGPAPAKONDISYON NA, RAVENA, BALIK TRAINING

BALIK ensayo na si Kiefer Ravena sa Gilas Pilipinas para sa paghahanda sa kanyang pagbabalik sa paglalaro hindi lamang sa PBA kundi sa mga kompetisyong pang-abroad.
Sumali na si Ravena sa ensayo kamakalawa ng gabi kahit pa sa Agosto 24 pa siya puwedeng maglaro sa kahit anong liga at torneo.
Ayon sa FIBA, kahit hindi pa tapos ang kanyang 18-buwan na pagkakasuspinde ay puwede na siyang mag-ensayo dalawang buwan bago ang pagtatapos ng suspensiyon.
Nasuspinde si Ravena ng FIBA pagkaraang makainom ng isang energy drink na mayroong performance enhancing drugs noong FIBA Basketball World Cup qualifiers ng nakaraang taon. Nagpataw ng 18-buwan na suspension ang FIBA dahil sa naturang pangyayari.
Sa kanyang pagbabalik sa ensayo ay kumpiyansa si Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao na makababalik na kaagad sa kondisyon si Ravena.
Inihayag din ni Guiao na mataas ang posibilidad na makakasama si Ravena sa national team para sa World Cup kapalit si Jayson Castro na nagpahayag na hindi na lalaro sa naturang kompetisyon. “It’s almost a done deal doon sa slot ni Jayson. Sa akin kasi, as of now, he is the most logical choice to fill out the spot of Jayson. He is going to be competitive and he is going to be ready for the World Cup,” wika ni Guiao.





Comments