Kaliwa’t kanang ligawan para sa House Speakership, umarangkada!

HINDI solido sa likod ni Rep. Lord Allan Velasco ang PDP-Laban na kanyang kinaaaniban.
Nililigawan niya ngayon ang LP at Makabayan Bloc!
◘◘◘
MALINAW na hati ang 84 miyembro ng ruling party sa isyu ng Speakership.
Kahapon, inanunsiyo nina Rep. Doy Leachon, Johnny Pimentel at Rimpy Bondoc na nasa 40 miyembro lang ng PDP-Laban ang pumirma sa manifesto of support para sa Speakership bid ni Rep. Velasco!
◘◘◘
KUMPIRMASYON ito na nag-cross partyline ang nalalabing bilang ng PDP-Laban kung saan sinusuportahan naman si Rep. Alan Peter Cayetano ng NP.
Inamin ng Makabayan Bloc na kinausap sila ni Rep. Velasco at nangakong bibigyan ng sapat na oras sa debate ang oposisyon!
◘◘◘
IBINUNYAG ni Rep. Edgar Erice ng LP na kinausap din sila ni Rep. Velasco.
Nangako umano ito na bibigyan ng committee chairmanship ang senior members ng LP!
◘◘◘
INABISO ni Rep. Erice na wala pang napagkakasunduan ang kanilang partido.
Pero, sinisikap nilang maging solido sa isang kandidato ang 18 members ng LP bloc!
◘◘◘
TINATANGKA rin ni Rep. Velasco na kumbinsihin ang 54 members Partylist Coalition Foundation, Inc (PCFI).
Hinihiling naman ng PCFI na manatili sa puwesto sa Kamara ang 32 partylist representatives!
◘◘◘
KURSUNADA ng pangulo ng PCFI na si Rep. Mikee Romero na makopo ang majority leader.
Pero, nilinaw ni Rep. Erice na malabo ito kasi nakareserba ang posisyon sa isang abogado at bihasa sa House rules na karaniwang beterano sa Kongreso!
◘◘◘
BUKOD kay Rep. Velasco, nanliligaw din si Rep. Martin Romualdez ng Leyte para maging Speaker.
Iniyayabang ni Rep. Danilo Suarez na may 153 kongresista ang lumagda sa manifesto na nag-eendorso kay Romualdez, pero walang nagkumpirma rito!
◘◘◘
KINOKONTRA naman ng dalawang kongresista ang term-sharing na pang-areglo sa mga aspirante.
Ayon kina Rep. Johnny Pimentel at Rep. Lito Atienza, makaaantala sa pag-usad ng mga panukalang-batas kung may dalawang House Speaker sa 18th Congress!
◘◘◘
BATAY sa panukala, unang mauupo si Rep. Cayetano at pagkatapos ay si Rep. Velasco naman.
Ayon kay Rep. Pimentel, hindi ito magandang ideya dahil madali itong sabihin, pero napakahirap gawin!
◘◘◘
Paliwanag niya, ang bawat Speaker ay may sariling team at kung papalitan sila, hindi magkakaroon ng continuity at mahihinto ang deliberasyon sa mga batas.
Magiging mauga rin daw ang Lower House at hindi mapapalagay sa kanilang trabaho ang mga kongresista dahil sa term-sharing!
◘◘◘
Noong 17th Congress, hindi nakapasa ang mga priority bill ni P-Duterte.
Para kay Rep. Atienza, hindi praktikal at hindi magiging epektibo ang term-sharing sa Speakership!





Comments