Dahil sa krisis sa tubig | M. MLA., NAGPASAKLOLO SA MGA LOCAL WATER DISTRICT
- Jeff Tumbado
- Jun 26, 2019
- 1 min read

PAYAG ang mga water concessionaire na Manila Water at Maynilad na kumuha ng karagdagang suplay ng tubig mula sa mga water district sa kalapit na mga lalawigan. Batay ito sa panukala ni Administrator Jeci Lapus ng Local Water Utilities Administration.
Sa oversight hearing sa Kamara, sinabi nina Manila Water President Ferdinand dela Cruz at Maynilad President Ramoncito Fernandez na bukas silang pag-aralan at isakatuparan ang nasabing alternatibong paraan.
Ani Lapus, nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga water district sa Laguna, Cavite at Bulacan upang makatulong sa kapos na suplay ng tubig sa Metro Manila.
Gayunman, ang isa sa magiging problema umano ay kung paano ibibiyahe o transportasyon ng tubig patungong Metro Manila.
Sa pagpapatuloy pa rin ng pagdinig ng joint committee on Public Works and Highways at Natural Resources, itinutulak na madagdagan pa ang mga dam na pupuwedeng itayo sa Quezon Province, Pampanga, Nueva Ecija at Bulacan.
Kailangan din umanong magkaroon ng iisang ahensiya na dapat mangasiwa sa usapin ng suplay ng tubig.
Sa ngayon ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang namamahala sa pagkukunan ng tubig habang ang National Water Resources Board (NWRB) ang nangangasiwa sa alokasyon ng tubig.





Comments