Kaalaman tungkol sa PCOS

Dear Doc. Shane,
Totoo bang hirap makabuo o hindi maaaring magkaroon ng anak ang babaeng mayroong PCOS? Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol dito? Maraming salamat! — Wheng
Sagot
Ang Polycystic Ovary Syndrome (PCOS) ang pinakamadalas na hormonal disorder sa mga babae.
Ang pasyenteng babae na may PCOS ay maaaring makaramdam ng ilan sa mga sumusunod:
hindi regular o paghinto ng regla
hindi mabuntis o magkaanak
pagtaba (paglapad ng waistline o abdominal obesity kung saan mas maraming taba sa baywang), pero puwede ring magkaroon ng PCOS ang babaeng payat o normal ang timbang
taghiyawat (acne)
sobrang buhok sa mukha o katawan (tulad sa ibabaw ng labi na parang bigote o sa dibdib)
pagnipis ng buhok (tulad ng pagkalbo sa mga lalaki)
Gayundin, tinawag ang kondisyong ito na polycystic dahil karaniwang may cysts ang obaryo ng mga babaeng may PCOS, pero hindi kanser ang cysts na ito.
Marami sa kababaihang may PCOS ay inire-refer sa endocrinologist dahil may mga kaakibat itong ibang problemang pangkalusugan tulad ng mga sumusunod:
Insulin resistance — nahihirapang matunaw ang asukal sa dugo kapag may insulin resistance. Ito ay maaaring tumuloy sa Type 2 diabetes.
Mababang level ng HDL o good cholesterol at mataas na level ng LDL o bad cholesterol — dahil dito, tumataas ang peligro ng mga babaeng may PCOS na magkaroon ng atake sa puso o stroke.
Obstructive sleep apnea (OSA) — ang mga babaeng may PCOS at overweight ay maaaring magkaroon ng OSA kung saan patigil-tigil ang paghinga habang natutulog. Kapag gising ay parang pagod na pagod pa rin dahil hindi maganda ang kalidad ng pagtulog sapagkat bumababa ang oxygen sa dugo habang natutulog at naiipon ang carbon dioxide. Karaniwang naghihilik ang mga may OSA(obstructive sleep apnea)
Gayunman, tulad ng diabetes, wala pang gamot para gumaling o mawala ang PCOS, pero may mga gamot na puwedeng ibigay ang doktor para umayos ang regla at mabuntis. Kailangan din ng tamang pagkain at ehersisyo para pumayat, maiwasan ang diabetes at maging normal ang level ng kolesterol.
Makabubuti kung pumunta agad sa OB-Gyne nang sa gayun ay mabigyan ng karagdagang payo tungkol dito.





Comments