Covered court gumuho, 9 estudyante nadale

SIYAM na high school students ang sugatan makaraang mabagsakan ng bubungan ng gumuhong covered court sa isang paaralan sa Zamboanga City, kahapon.
Isinugod ang mga biktima sa Labuan Public Hospital sanhi ng tinamong mga sugat sa ulo at katawan.
Ayon sa pulisya, alas-8:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa loob ng Sinubong National High School habang nasa kalagitnaan ng klase.
Ang naturang covered court ay napag-alamang ginagamit ng ilang mga mag-aaral bilang pansamantalang classroom.
Sinasabing ang malaking volume ng tubig mula sa walang tigil na pag-uulan nitong Sabado at naipon sa bubungan ang dahilan ng pagguho. Nasa P4 milyon naman ang halaga ng pinsala sa nabanggit na covered court.





Comments