BIADO AT DE LUNA, KAMPIHAN SA 2019 WORLD CUP OF POOL

MAGSASANIB-PUWERSA ang mga Pinoy na sina Carlo Biado at Jeffrey de Luna kontra sa Czech Republic kapag nagsimula na ang unang yugto ng 2019 World Cup of Pool ngayong Martes ng hapon sa Morningside Arena sa Leicester, United Kingdom (Martes ng gabi hanggang Miyerkules ng umaga sa Pilipinas).
Susubok sa tatag ng pulso ng tambalan nina Biado at De Luna ang tandem nina Roman Hybler at Michal Gavenciak bagamat inaasahang mananaig ang mga pambato ng bansa para makausad na sa susunod na round ang Pilipinas.
Hindi matunog ang pangalan ng mga karibal mula sa Czech Republic pero kapag bumagsak ang upset-axe, mag-eempake ang mga Pinoy dahil sa patakarang “one-miss-go-home” sa prestihiyosong torneo na tatlong beses nang napagwagian ng bansa.
Matatandaang noong 2006 at 2009, nakuha ng Pilipinas ang korona sa tulong nina Efren “The Magician” Reyes at Francisco “Django” Bustamante. Nagtulungan sina Lee Van Corteza at Dennis “Robocop” Orcullo para sa pangatlong titulo noong 2013.
Bukod sa tatlong diadems, sumegunda rin ang Pilipinas sa kompetisyon noong 2010 sa pamamagitan nina Orcullo at Roberto “Superman” Gomez.
Bitbit ni Biado sa torneo ang pagiging bridesmaid sa nakaraang 2018 World 9-Ball Championship sa Doha, Qatar at ang pagsikwat ng 1st runner-up honors sa World Pool-Billiard Association (WPA) Players Championship.
Kasalukuyan ding okupado ni Biado ang pangatlong baytang sa WPA roster ng mga pinakamalupit na bilyarista sa buong mundo.
Si De Luna ay inspirado sa pagkopo ng 2019 Bogies Classic 10-Ball sa Houston, Texas at paghablot ng huling upuan ng podium sa 2019 U.S. Open 9-Ball Championship.
Kasama sa mga nag-aambisyon sa korona ang nagtatanggol na kampeong China, USA, Austria, Albania, Greece, France, Estonia, Spain, Canada at Great Britain.





Comments