top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

VILLANUEVA, KAMPEON SA ORBE CUP CHESS

Eddie M. Paez, Jr.
Jun 24, 2019
1 min read

WINALIS ng dehadong woodpusher na si FIDE Master Nelson Villanueva ang lahat ng humarang sa kanyang dinaanan sa loob ng pitong rounds upang hiranging kampeon ng 2019 Orbe Cup Chess Championship sa Makati.

Ang 39-taong-gulang na si Villanueva ay pang-23 lang sa pre-tournament seedings dahil sa rating nitong 2103 pero sa tulong ng pitong magkakasunod na panalo at sa performance rating na 2761, madali nitong naangkin ang trono.

Nasa talaan ng mga nakatikim ng ratsada ng kampeonato sina Abdul Rahman Buto (round 1), Ebbenezer Batul (round 2), Jeremy Marticio (round 3), Julius Gonzales (round 4), Angele Tenshi Biete (round 5), Dandel Fernandez (round 6) at Jerome Villanueva (round 7).

Isang buong puntos sa likod ni Villanueva ang walo kataong pulutong na nagsumite ng rekord na tig-aanim na puntos. Ito’y binubuo ng mga titled chessers na sina International Master Barlo Nadera, 3rd seed IM Chris Ramayrat, FM Randy Segarra, 5th ranked FM Mari Joseph Turqueza at no. 8 AGM Roberto Suelo Jr. gayundin ang mga untitled pawnpushers na sina Jerome Villanueva, Emmanuel Emperado at Giovanni Mejia.

Pero nang pairalin na ang tiebreak system sa paligsahang umakit ng 150 disipulo ng chess, napunta kay 11th seed Nadera ang pangalawang puwesto habang ang 7th ranked na si Segarra ang naging pangatlo.

Samantala, iniuwi ni National Master Merben Roque, may rating na 2367, ang kampeonato ng 5th Jose “Peping” Roa Veloso Memorial Chess Cup sa San Juan, Southern Leyte sa tulong ng limang panalo at dalawang tabla para sa kabuuang anim na puntos. Sina untitled Jayson Salubre (5.5 puntos) at Harrison Maamo (5.5 puntos) ang mga kalahok na umangkin ng natitirang mga upuan sa podium.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page