‘PINAS RUNNER-UP SA ASIA RUGBY WOMEN’S

MULING nakahablot ang Pilipinas ng bridesmaid honors matapos ibaba ang telon ng 2019 Asia Rugby Women’s Championship Division 1 sa Laguna.
Hindi umubra ang tikas ng mga Lady Volcanoes at wala ring nagawa ang hometown support kaya tumiklop ang Pilipinas sa matinding opensa at depensa ng China sa finals.
Si Yuan Yua Lu ang nanguna sa pambobokya ng mga Intsik sa mga punong-abala, 0-68, upang ibigay sa China ang karapatang makaharap ang Khazakstan papunta sa 2021 World Rugby Championship.
Nauna rito, dinaig ng Pilipinas ang India sa semifinals noong Miyerkules sa iskor na 32-27 para makausad sa championship round ang mga Lady Volcanoes sa pangalawang sunod na pagkakataon. Umangkla ang bansa sa lakas nina Janine Jamieson, Riclaire Martinez, Maia Sobejana, Jheewel Idea at Happy Denuyo.
Humarurot ang China sa finals matapos ilampaso ang Singapore, 59-7, sa kabila ng hati ng final four set-up.
Ito na ang pangalawang sunod na runner-up plum ng Pilipinas sa Asia Rugby Women’s Championship. Noong 2018, nakahakbang din sa championship round ang mga kinatawan ng bansa pero, napigilan ang ambisyong mangibabaw dahil nadaig sila ng Singapore.





Comments