Malinaw ayon sa birthday... LALAKING NAKATAKDANG TUMAMA SA LOTTO OUTLET NA MALAPIT SA TUBIGAN
- BULGAR

- Jun 23, 2019
- 2 min read
Dear Maestro,
Nais kong humingi sa inyo ng masusuwerteng numero dahil may sakit ako ngayon at kailangan kong magpa-dialysis. Ang problema, wala kaming sapat na pera para matustusan ang aking pagda-dialysis. Nag-aaral pa ang apat kong anak habang ang misis ko ay nag-aahente ng kung anu-anong paninda at ng lupa, pero bihira namang makabenta at minsan ay paluwal pa.
Nakuha ko ang sakit na ito nang almost nine years akong nagtrabaho sa Saudi, pero nalustay din ng misis ko ang perang napag-abroad-an ko kaya nagkaganito ang buhay namin. Kaya sana, matulungan ninyo akong malaman ang masusuwerte kong numero, araw, petsa at kung kailan ako dapat tumaya, gayundin ang buwan at taon? February 4, 1968 ang birthday ko.
Umaasa,
Bert ng San Roque, Apalit, Pampanga
Dear Bert,
‘Yan ang hirap sa buhay ng OFW, madalas ang nangyayari ay kikita ka ng medyo malaki-laking halaga sa umpisa ng pangingibang-bansa, pero sa sandaling nagkasakit ka, kapag tinuos mong mabuti, halos kulang pa ang kinita mo sa abroad sa ipampapagamot mo sa iyong sarili higit lalo kung noong nasa ibang bansa ka pa ay hindi natutunang mag-ipon o magpundar ang mga mahal mo sa buhay ng ipinadadala mong pera rito sa bansa.
Kaya malinaw ang gintong-aral na dapat nating tandaan: “habang ikaw ay sagana at kumikita ng malaking halaga ng salapi sa kasalukuyan, huwag mo itong uubusin sa walang kapararakang mga bagay kung saan gastos ka lang nang gastos sa mga hindi mahahalagang binibili mo dahil walang nakakaalam kung kailan ka darapuan ng magastos at malubhang karamdaman.”
Samantala, bukod sa sarili mong numero na 4, ikaw din ay mapalad sa lahat ng uri ng numero na may mga sumatutal na 2, 7 at 9 tulad ng 16, 25, 34, 43, 11, 20, 29, 38, 18, 27, 36, 45 at iba pang kauri nito. Puwede mo ring subukan ang 1, 13, 23, 27, 35 at 40, gayundin ang 6, 17, 25, 32, 39 at 43.
Mapalad ka sa mga araw ng Lunes, Linggo, Martes, Huwebes at Biyernes higit lalo sa mga petsang 2, 11, 20, 29, 9, 18, 27, 1, 10, 19, 28, 7, 16 at 25, tuwing sasapit ang Pebrero hanggang Marso, Hunyo hanggang Hulyo at Oktubre hanggang Nobyembre.
Buwenas ka rin sa kulay berde at pula habang magsisilbing anting-anting mo na pantaboy ng kamalasan at panghigop ng suwerte at magandang kapalaran ang batong agate o kaya ay moonstone higit lalo sa panahong full moon o kabilugan ang buwan sa langit. Habang, ayon sa Decadens ng Kapalaran, ang pinakamasuwerte mong mga taon ay 2019, 2021, 2027 at 2029.
Upang masigurado ang malaking panalo sa anumang uri ng number games, maghanap ka ng lotto outlet na malapit sa tindahan ng mineral water o tindahan ng kahit na anong produktong likido at iba pang lotto outlet na malapit sa tubigan. Ang nasabing lotto outlet ang magpapatama sa iyo ng jackpot ngayong 2019 o kaya sa 2020, sa edad mong 52 pataas.




Comments