Karapatan ng sinumang nakikipagsosyo sa negosyo
- BULGAR

- Jun 23, 2019
- 2 min read
NAKAPALOOB sa probisyon ng Republic Act No. 386 (Civil Code of the Philippines) ang tumutukoy sa kahulugan ng partnership bilang:
“Art. 1767. By the contract of partnership two or more persons bind themselves to contribute money, property, or industry to a common fund, with the intention of dividing the profits among themselves.”
Ayon sa nabanggit na probisyon, nangyayari ang pagkakaroon ng sosyo sa negosyo sa oras na ang dalawa o mas higit pang mga tao ay magkasundo na mag-ambag ng pera, ari-arian o industriya sa pinagsamang pondo at sa huli ay paghahatian nila ang bawat kitang nakuha mula sa nasabing negosyo.
Ang karapatan ng mga taong pumasok sa ganitong uri ng kontrata ay nakapaloob sa Article 1767 hanggang 1867 ng Civil Code of the Philippines. Ito ay ang mga sumusunod:
Karapatang makibahagi sa mga kinita ng negosyo na kanyang pinaglagakan ng kanyang pera, ari-arian o industriya;
Karapatang magkaroon ng personalidad na hiwalay at kaiba sa partnership. Sa pagkakaroon ng hiwalay na personalidad sa partnership, ang partner ay hindi maaaring managot sa mga pananagutan ng partnership, gayundin na ang partnership ay hindi maaaring panagutin sa mga personal na pananagutan ng mga partner;
Karapatang lumahok sa pangangasiwa ng negosyo;
Ang bawat partner ay may karapatang magkaroon ng kapantay na karapatan tulad ng sa kanyang mga kasosyo sa mga espisipikong gamit at pag-aari ng partnership na eksklusibong ginagamit para sa partnership. Subalit, ang isang partner ay hindi maaaring ariin ang alinman sa mga pagmamay-ari ng partnership nang walang pagsang-ayon ang iba pang mga kasosyo sa nasabing partnership;
Karapatang obligahin ang kasosyo na ibigay ang kanyang ipinangakong kontribusyon sa partnership;
Kapag ang puhunan ng partnership ay P3,000 o higit pa, karapatang hilingin na ang kontrata ng partnership ay manotaryuhan at maitala sa Securities and Exchange Commission (SEC);
Kapag may mga ari-ariang ipinuhunan, karapatang hilingin ang imbentaryo ng mga ito at ilakip ang nasabing imbentaryo sa kontrata ng partnership;
Karapatang makuha ang tayang halaga ng mga bagay na iaambag sa negosyo;
Karapatang itago ang libro ng partnership ayon sa napagkasunduan ng bawat kasosyo sa lugar kung saan ang transaksiyon sa negosyo ay ginagawa;
Karapatang inspeksiyunin at kopyahin ang libro ng partnership sa rasonableng oras;
Kapag ang kasosyo ay namuhunan sa ibang negosyo nang walang pahintulot ang iba pang mga kasosyo, ang ibang kasosyo ay may karapatang hingin sa nasabing kasosyo na magbigay-sulit ng mga benepisyong makukuha ng mga namuhunan mula sa mga transaksiyon tungkol sa partnership;
Karapatang alamin ang lahat ng impormasyon tungkol sa lahat ng bagay na makaaapekto sa partnership;
Karapatang makihati sa kita sa pinagsosyuhang negosyo sa proporsiyon ng kanyang ipinuhunan;
Karapatang humingi ng interest at bayad-pinsala mula sa kasosyo na nangakong mamumuhunan ng salapi, ari-arian o industriya kapag hindi niya natupad ang nasabing pangako. Ang interest at bayad-pinsala ay bibilangin mula sa oras na dapat ay gawin niya ang kanyang obligasyon;
Karapatang humingi ng interest at bayad-pinsala mula sa kasosyo na gumamit ng pera ng partnership. Ang interest at bayad-pinsala ay bibilangin mula sa araw na kinuha ng nasabing kasosyo ang paggamit ng pera ng partnership para sa kanyang kapakinabangan;
Lahat ng mga namuhunan ay may karapatang hingin ang pormal na pagsusulit ng mga kapakanan at suliranin ng kanilang partnership kapag hinihingi ng pagkakataon at
Karapatang buwagin ang partnership.




Comments