Walang tubig | METRO MANILA, NAG-PANIC

NABULAGA ang maraming residente sa Metro Manila matapos makaranas ng kawalan ng suplay ng tubig nang wala umanong paunang abiso mula sa mga water concessionaire.
Kasunod ito ng pagbabawas ng National Water Resources Board (NWRB) sa alokasyon mula sa Angat Dam para sa mga Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na nangangasiwa naman ng distribusyon sa dalawang water concessionaires sa National Capital Region (NCR).
Mula sa 46 cubic meters per second (cms) ay ginawa na lamang 40 cms ang alokasyon ng tubig para sa mga water concessionaire.
Ani Manila Water Company Spokesperson Jeric Sevilla, lahat ng kanilang customers o mahigit isang milyong households ay apektado ng water interruptions.
Nasa 70% naman ng mga customer ng Maynilad Water Services ang apektado ng kapos na suplay ng tubig.
Ayon sa Manila Water at Maynilad, higit na apektado ng mahina hanggang sa walang tulo sa mga gripo ay ang mga nasa matataas at malalayong lugar.
Kapwa sinisikap ng mga water concessionaire na ipatupad lamang sa gabi ang water interruptions ngunit, may posibilidad pa rin na maranasan ito kapag peak hours.
Hindi pa matiyak ng nasabing mga kumpanya kung hanggang kailan ang water interruptions ngunit, umaasa sila ng pag-ulan sa watershed ng Angat Dam.
Ikinatwiran ng National Water Resources Board (NWRB) na kinailangan ang water interruptions upang hindi masagad ang tubig sa dam habang naghihintay ng sapat na pag-ulan upang maiakyat sa 180 meters normal operation level ang dam.





Comments