Pondo para sa maayos at permanenteng faculty room, aprub!
- BULGAR

- Jun 20, 2019
- 2 min read

ANG teachers’ room, staff room o faculty room ang isa sa mahahalaga at pinakakailangang espasyo o kuwarto sa paaralan ngunit, madalas ay hindi ito nabibigyang-pansin.
Karapatan ng mga guro ang magkaroon ng maayos, maaliwalas at nakaeengganyong lugar upang gawin ang kanilang lesson plan, pagkonsulta sa kapwa-guro, pag-check ng mga pagsusulit at iba pang aktibidad. Kung wala nito, paano sila magiging epektibong tagapaghatid ng aralin sa mga mag-aaral?
Naging usapin kamakailan ang naiulat mula sa isang guro na si Maricel Herrera ng Bacoor National High School sa paggamit ng comfort room na nagsilbing opisina o faculty room ng kanyang kapwa mga guro.
Maaaring isa ito sa epekto ng kakulangan sa mga klasrum, overcrowding o mataas na bilang ng mga estudyante sa klase o ng mga mag-aaral at kakulangan sa pag-antabay ng ganitong klaseng sitwasyon.
Ilan sa mga nagbigay ng kanilang reaksiyon sa pangyayari ay ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) na naglahad na hindi lamang ang nasabing eskuwelahan ang may ganitong sitwasyon kundi pati ang Maligaya High School; Sergio Osmeña High School; Bagong Silangan Elementary School; Villamor High School at Calderon High School.
Makalipas ang ilang araw, iniulat na nakalipat na ang mga guro ng Bacoor National High School sa mas maluwag, komportable at disenteng faculty room na dating social hall kung saan may sapat at maayos na lugar para sa kanilang mesa at teaching materials.
Nauunawaan natin ang sitwasyong nararanasan ng mga guro sa kakulangan ng pasilidad para sa kanilang faculty room.
Sa kabilang banda, naiintindihan din natin ang malasakit at pagsisikap ng Department of Education (DepEd) upang maipagkaloob ang sapat at maayos na kondisyon ng mga guro, estudyante at maging ng kurikulum tungo sa patuloy na pagkamit ng de-kalidad na edukasyon.
Kasama sa 2019 General Appropriations Act ang budget para sa tinatawag nating basic education facilities.
May tinatayang P30,973,016,000 budget para sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) at Capital Outlay para sa mga faculty area.
Sa pagtutulungan ng bawat isa, hangad natin na maresolba ang suliraning ito hindi lamang sa Bacoor National High School kundi sa iba pang eskuwelahan na may kakulangan sa mga pasilidad tulad ng library, function room, guidance room at iba pa.
Anuman ang mangyari ay bukas tayo sa anumang update, opinyon o suhestiyon ng ating mga guro.
Kaakibat ang ibang school personnel, makasisiguro ang mga guro na sa pagsisimula ng ika-18 Kongreso ngayong Hulyo ay ating pag-aaralang mabuti ang pagtatalaga ng mas malaking pondo para matugunan ang mga pangangailangan ng mga guro para guminhawa ang kanilang kondisyon sa trabaho.
Kapag sinabi nating de-kalidad na edukasyon, nangangahulugan din ito ng de-kalidad na educational facilities hindi lamang para sa kapakanan ng mga mag-aaral kundi maging sa mga guro.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments