Paalala sa publiko, huwag magpapabiktima sa mga pekeng bakuna!
- Ryan B. Sison
- Jun 19, 2019
- 1 min read

KASUNOD ng mga isyung may kinalaman sa gamot, pinag-iingat ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko hinggil sa lumalaganap na pekeng anti-rabies vaccines.
Sa panahon ngayon, marami pa rin ang nangangailangan nito dahil kung ating mapapansin, lalong dumarami ang pamilyang nag-aalaga ng aso at pusa sa kanilang tahanan.
Gayunman, nabahala ang FDA ng madiskubre nilang ipinagbibili sa merkado ang Anti-Rabies Serum (Equine) 5ml Vial at Purified Rabies Vaccine (Vero Cell) Speeda na peke lang umano kahit may tatak na Equirab at sinertipikahan ng BSV Bioscience Phil., Inc., ang Marketing Authorization Holder ng produkto.
Samantala, isinapubliko na ng ahensiya ang batch numbers ng mga pekeng bakuna, gayundin, ang mga palatandaan sa kahon ng mga ito nang sa gayun ay maagapan ang anumang kapahamakang maidudulot nito sa publiko.
Kaya ang paalala ng FDA sa mga distributor at consumer, bumili lang sa mga negosyanteng may lisensiya mula sa ahensiya at iwasan ang pagtangkilik sa mga produktong mura ngunit, delikado pala.
Dagdag pa rito, inabisuhan na rin ang Bureau of Customs (BOC) na pigilan ang importasyon ng mga nabanggit na pekeng produkto, isama na rin ang iba pang mga iligal na bagay na hanggang ngayon ay nakalulusot pa rin sa bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments