top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

PINAY GOLFER GUCE, MALAKAS PA SA LPGA

Eddie M. Paez, Jr.
Jun 17, 2019
2 min read

PUMALO ang Pinay golfer na si Clariss Guce ng 3-under-par 69 sa pangalawang round upang makalapit sa leaderboard at makapasok nang maalwan sa weekend play pero, naobliga nang mag-empake ang kababayang si Dottie Ardina sa ginaganap na 2019 Meijer Ladies Professional Golf Association (LPGA) Classic for Simply Give sa palaruan ng Grand Rapids sa Michigan.

Kumamada si Guce, anak ng dating premyadong hinete ng bansa, ng tatlong birdies (holes 1, 7 at 8) kontra sa isang bogey (hole 9) sa front nine bago humirit pa uli ng isang birdie sa huling butas sa round two ng kompetisyong umakit ng 144 lady golfers mula sa iba’t-ibang bahagi ng daigdig kabilang na ang USA, Germany, Canada, Japan, Korea, Thailand, India, Australia, Korea at China.

Kasama ang kanyang kartadang 70 sa pambungad na round, si Guce, isang Semetra Tour veteran, ay nasa pang-25 puwesto na dahil sa naipong 5-under-par 139 may dalawang rounds na lang ang natitira. Ang posisyon ng Pinay ngayon ay isang stroke lang ang layo para sa lugar sa top 20. Ito rin ay dalawang palo lang ang distansiya para sa isang upuan sa top 10 at tatlong strokes mula sa unang limang puwesto.

Kasalukuyang namamayagpag sa torneo si Canadian Brooke Henderson sa iskor nitong 128 habang malayong pangalawa naman ang local ace Brittany Altomare sa rekord na 131. Ang dating amateur standout na si Jennifer Kupcho ay malayong pangatlo rin sa kartadang 134.

Sa kabilang dako, nakabawi si Ardina, dating international jungolf standout at Symmetra Tour moneyboard no. 2, mula sa kanyang opening round na 74 nang pumalo ito ng 70 sa kanyang pangalawang round. Ang round 2 performance ay sapat na para magkaroon siya ng even par 144 pagkatapos ng 36 holes pero, hindi ito naging sapat para sa isang weekend play appearance. Isang stroke lang ang naghiwalay kay Ardina at sa mga qualifiers.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page