Maling paggamit o pagkonsumo ng mga sangkap ng kalikasan, dulot ay gabundok na basurang nakalalason
- BULGAR

- Jun 16, 2019
- 2 min read
HABANG isinusulat ang artikulong ito, hindi tayo mapakali sa matinding init ng panahon. Naitanong natin, bakit kaya ganito kainit, samantalang, nagsimula na ang tag-ulan?
Ang palala nang palalang init ng panahon ay nararamdaman ng lahat, lalo na ng karaniwang mamamayan na nakatira sa tahanang walang sapat na bentilasyon. Huwag tayong magtaka sa mga nararanasan nating ito dahil lubos nang nagbago ang klima. Ito ang “global warming” at “climate change”, seryosong usapin na binigyang-pansin ni Papa Francisco.
Pinag-usapan sa Laudato Si ang liham Pastoral ni Papa Francisco noong ika-24 ng Mayo, 2015 ang malubhang kalagayan ng kalikasan at ang mga sanhi nito. Mahalagang banggitin ang sinabi ni San Juan Pablo II, “sa kanyang unang ensiklikal (Redemptor Hominis, 4 Marso 1979), nababahala siyang ang tao ay tila walang makitang ibang kabuluhan sa kanyang likas na kapaligiran, maliban sa makatutulong sa mga layon ng agad na paggamit at pagkonsumo.
Kaugnay nito, nanawagan siya ng pandaigdigang pagbabagong-loob na makakalikasan.” (Laudato Si no. 5).
Ang pananaw na konsumerista at utilitario ay labis na makasarili o sakim. Hindi tama kung masasanay tayo sa buhay na walang preno o pagpigil sa paggamit at pagkonsumo ng mga sangkap ng kalikasan. Nagiging ‘diyus-diyosan’ natin ang mga bagay na ating nakikita, nabibili at nagagamit. Isa itong malaking kasalanan sa kalikasan, sa kapwa, sa mga susunod na henerasyon at higit lalo sa Diyos. Bunga ng ganitong pananaw at pamumuhay ang gabundok na basura na lumalason sa lupa, hangin, tubig at buong kapaligiran. Ito ang dahilan kaya nakarating dito ang mga tone-toneladang basura mula Canada, Hong Kong at iba pang mga bansa.
Mahigit dalawang dekada na ang nagdaan nang simulan natin sa Parokya ng Banal na sakripisyo sa UP Diliman ang Greening of the Sacraments. Binigyan natin ng sari-saring punla ng mga punong-gubat ang mga tumatanggap ng sakramento mula binyag, unang kumpisal at komunyon, kumpil, kasal, ordinasyon at sakramento ng may sakit, isa itong munting tugon sa hamon ng krisis ng kapaligiran.
Sa halip na ipagpatuloy ang pagkonsumo sa kalikasan at kinabukasan ng kasalukuyang henerasyon, nagtanim tayo ng bagong kamalayan at mga punong-gubat sa pamamagitan ng mga tumanggap ng sakramento.
Hindi lang minsan nating nakasalubong ang mga batang propesyunal na tuwang-tuwang nagsabi sa atin ng ganito, “father, bininyagan ninyo ako sa UP, binigyan ninyo ako ng puno na itinanim ng aking mga magulang na kasama ako. Mahigit nang 40 feet ang punong ito sa aming bakuran.”
Ngayong nasa parokya na tayong muli, ibinalik natin ang pagbigay ng puno sa mga tumanggap ng sakramento. Bilang tanda ng kanilang tatanggaping sakramento, tumanggap kahapon ang mga bagong kasal ng ilang-ilang, tiyak na itatanim ito ng mga ikinasal natin, tiyak na sa kanyang tahimik at misteryosong paraan ay mababawasan nito ang kapahamakan na dulot ng ‘ika nga, “global warming” at “climate change”.
Kung nanaisin natin, walang magiging biktima, walang mananagot at walang dapat baguhin sa kalikasang iniingatan, kinakalinga at minamahal ng lahat.





Comments