LE TOUR DE FILIPINAS, START NA TAAL-TO-MAYON

MULA sa malamig na tanawin sa Taal hanggang sa nakamamanghang lugar ng Mayon, idaraos ng Le Tour de Filipinas ang “10 Years of Cycling” sa isang ekplosibong karera simula ngayong araw. Ang five-stage International Cycling Union event ay itatampok ang dalawang iconic tourist attractions ng bansa, ang Taal Volcano at ang Mount Mayon na magsisilbing backdrop para sa kick off stage at ang coronation ride ay sa Martes sa Legazpi City. “What a way to celebrate a decade of Le Tour de Filipinas, by showcasing the best of the Philippines,” ayon kay Donna Lina, chairman ng Le Tour de Filipinas.
Ang Le Tour de Filipinas na nagsimula noong 2009 ay may katulad na ruta ngayong 2019 edition — sa matatarik na daan mula sa Tagaytay City at Batangas ay nagwagi si Irishman David McCann sa inaugurals ng karera. May 14 teams ang aaksiyon sa 10th edition, na sina El Joshua Cariño, nagwagi noong 2018 sa Philippine Navy Standard Insurance at ngayon ay nasa Philippine National Team.
Sasabak din si Marcelo Felipe, ang panalo ng UCI race sa Subic, sa ilalim ng 7-Eleven Cliqq-Air21 ng Roadbike Philippines habang si 2018 Best Young Rider Daniel Ven Cariño ay sa Go For Gold. Sasakay si Mark John Lexer Galedo, ang 2014 winner para sa Celeste Cycle, habang si Michael Angelo Ochoa ay para sa Bike X Philippines.
Hahamunin ang Filipino teams ng Nex Cycling Team (Singapore), PGN Road Cycling Team (Indonesia), Oliver’s Real Food Racing (Australia), Terrenganu Cycling Team (Malaysia), Taiyuan Moigee Cycling Team (China), Team Nero Bianchi (Australia), Team Ukyo (Japan), Team Sapura Cycling at Thailand National Team.
Sa isang dekadang karera, binago ng organizer ng Ube Media Inc. ang kulay ng jerseys para sa iba’t ibang kategorya. Mula sa tradisyonal na dilaw, ang general classification jersey ay Air21 Purple Jersey, ang polka dot ay naging NMM Blue Jersey para sa King of the Mountain, ang berde ay Cargohaus Orange Jersey para sa Points Classification, habang ang white jersey ay Ufreight Red Jersey na para sa Best Young Rider at ang purple ay pinalitan ng SPL Pink Jersey para sa Best Filipino Rider. Ang kickoff stage ngayong Biyernes ay mula sa 129.50-kms Stage 1 sa out-and-back course sa Tagaytay City, kasunod ng 194.90-kms Stage 2 sa Sabado mula sa Pagbilao, Quezon hanggang sa Daet, Camarines, Norte.
Ang Stage 3 sa Linggo ay may habang 183.70 kms mula Daet hanggang sa Legazpi City at ang Stage 4 ay kokoberan ang 176.00 kms mula Legazpi City via Sorsogon at Gubat at balik sa Albay capital. Ang Stage 5 sa Martes ay magsisimula at magtatapos sa Legazpi City pero, ngayon ay via Donsol sa Sorsogon na may habang 145.80 kms—ang crucial final leg.





Comments