top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Iba’t ibang sintomas ng lumalalang sakit sa puso

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 14, 2019
2 min read

Dear Doc. Shane,

Nakararanas ng paninikip ng dibdib ang aking tiyahin at madalas din naming napapansin ang pa­na­namlay niya, pero sa tuwing niyayaya namin siyang magpa-check-up ay tuma­tanggi ito. Ang sabi ng nanay ko ay nasa lahi raw nila ang pagka­ka­roon ng sakit sa puso kaya nababa­hala kami sa kalaga­yan ng aking tiyahin. Maaari ba ninyong talakayin ang mga sintomas ng sakit sa puso? — Grace

Sagot

Ang mataas at patu­loy pang pagtaas ng kaso ng pagkamatay dahil sa sakit sa puso ay maa­aring isisi sa kapaba­yaan sa pangangalaga ng kalusugan at marahil sa mga sintomas na hindi agad nararanasan. Ka­dalasan, ang mga sintomas na hatid ng sakit na ito ay nararam­daman lamang kung kailan malala na ang kondisyon o huli na para magamot ang sakit. Ang malala pa, madalas ay binabalewala ang pagkakaroon ng sakit sa puso sa pag-aakalang ang nararamdamang sintomas ay pangkara­niwan lamang.

Narito ang mga sintomas ng lumala­lang sakit sa puso:

  • Pagkahilo at hi­rap sa paghinga — isa sa mga pangunahing sintomas ng sakit sa puso ay ang biglaang pagkahilo at hirap sa paghinga kahit wala namang sakit na hika o problema sa daluyan ng paghinga.

  • Paninikip ng dib­dib — isa rin sa pangu­nahing senyales sa pag­ka­karoon ng sakit sa puso ay ang matinding paninikip ng dibdib. Pakiramdam na parang dinadaganan at iniipit ang dibdib at nakasentro sa bandang kaliwa ng dibdib.

  • Pananakit sa iba pang bahagi ng kata­wan — ang pananakit na dulot ng sakit sa puso ay hindi lamang nakasen­tro sa dibdib kundi pati na rin sa batok, leeg at mga braso. Madalas ay makararanas din ng pamamanhid at mainit na pakiramdam sa mga bahaging nabanggit.

  • Pagkabalisa — ma­dalas ding nakara­ranas ang mga taong may sakit sa puso ng pagkabalisa (anxiety) na sinasabayan ang pagka­hilo at pananakit ng ulo.

  • Pananamlay — nagi­ging matamlay ang hitsura ng taong may iniindang sakit sa puso. Kapansin-pansin ang pagiging maputla at parang walang siglang kumilos o magtrabaho.

  • Iregular na tibok ng puso — maaaring bumilis nang husto ang tibok ng puso o mas mabagal kaysa sa normal. Ang iregularidad sa ritmo ng tibok ng puso ay isa ring pangunahing senyales ng pagka­karoon ng sakit.

  • Panghihina ng katawan — madaling nang­hihina ang katawan at walang enerhiya sa pagkilos ang pagkaka­roon ng sakit sa puso. Sa mga malalalang kon­disyon, nahihirapan nang tumayo, makapag­salita at makaisip dahil sa sakit.

  • Pagpapawis — isa pang senyales ng sa­kit ay ang biglaan at hin­di maintindihang pagpa­pawis. Kadalasan, nara­ranasan ito bago ang mismong atake sa puso.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page