Gun factory ng mga terorista, buking

SINASABING gun factory at repair shop ang nadiskubre ng pulisya at militar habang nagsisilbi ng arrest warrant laban sa isang high value target sa General SK Pendatun sa Maguindanao.
Sa Bgy. Madconding natagpuan ang nasabing pagawaan ng armas sa kalagitnaan ng operasyon ng pinagsanib na puwersa ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group, Maguindanao Provincial Police Office-Public Safety Battalion, 33rd Infantry Battalion at 2nd Mechanized Infantry Battalion.
Ayon kay Major General Cirilito Sobejana, isang Sukarno Buka, ang sinasabing sub-leader ng ISIS terror linked na Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) ang siyang target ng arrest warrant sa lugar.
Gayunman, sinabi ni Sobejana na nakatakas na si Buka bago pa man makarating ang mga awtoridad sa lugar ng operasyon kung saan sa bahay nito bumungad sa mga awtoridad ang naturang gun factory at repair shop nito.
Batay sa intel report, gumagawa si Buka ng mga baril para sa mga miyembro at opisyal ng nasabing terrorist group.
Sangkot din umano ang suspek sa illegal drug activities sa lugar.
Nasamsam ng mga awtoridad ang ilang hindi pa tapos na assemble parts mula sa iba’t ibang uri ng mga armas, equipment at amunisyon.
Ang pagkakadiskubre sa pagawaan ng mga baril ay nakaapekto umano sa kakayahan ng BIFF na lumaban sa gobyerno.
Patuloy na ang manhunt operation ng pulisya at militar kay Buka.





Comments