Umento sa sahod ng mga guro, kailan ba mapagbibigyan?
- Ryan B. Sison
- Jun 13, 2019
- 1 min read

‘IKA nga nila, kung gusto, maraming paraan; kung ayaw, maraming dahilan.
Kabilang sa hindi matapus-tapos na problema ng bansa ang inihihirit ng mga guro na dagdag-suweldo na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagkakaroon ng kasagutan ngunit, tiniyak ng Malacañang na buo ang suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil dito.
Pero, ang problema, sa ngayon ay hindi pa umano alam ng gobyerno kung saan maghahanap ng mapagkukunan ng pondo para sa dagdag-suweldo ng mga guro. ‘Yun lang!
Ito ay dahil kung pagbabasehan ang pahayag ng kalihim ng Department of Budget and Management (DBM), aabutin umano ng P115 bilyon ang kinakailangang pondo kung bibigyan ng tig-P10, 000 increase ang mga guro.
Gayunman, alam nating matagal na itong hiling ng mga guro, partikular noong napagbigyan ang mga sundalo at pulis ng umento sa suweldo.
Kaya kung nakagawa ng paraan ang gobyerno na sila ay mapagbigyan, bakit hindi ito magawa sa mga gurong nagsisilbing pangalawang magulang ng mga mag-aaral na malaki rin ang naitutulong sa bayan?
Itigil na ang mga proyektong “mema” at gamitin ang mga pondong ito para sa mas kapaki-pakinabang.
Samantala, para sa mga guro, kapit lang at huwag mawalan ng pag-asa na balang-araw kayo ay mapagbibigyan din.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments