PIER, NAKA-5TH WIN NA GINIBA ANG HOTSHOTS


SUMALO sa tuktok ng team standings ang NorthPort Batang Pier matapos nilang katayin ang Magnolia Hotshots, 102-99 kagabi sa 2019 PBA Commissioner’s Cup sa Araneta Coliseum.
Naging matatag ang Batang Pier sa fourth period upang ilista ang pang limang panalo sa anim na laro at samahan sa top spot ang Blackwater Elite. Nagtala si local Sean Anthony ng 22 points, walong rebounds at 5 steals para sa NorthPort. Maagang nagparamdam ng lakas ang Batang Pier, kinarga nila ang limang puntos na abante, 48-43 sa unang dalawang periods. Nanatiling nasa NorthPort ang bentahe sa third canto, inilista nila ang 70-62 papasok ng 4th quarter.
Samantala, nagagalak naman si Jericho Cruz dahil makakasama niya ulit si coach Yeng Guiao.
Inilagay ng TNT sa restricted free agent si Cruz kaya naman nakasama ang pangalan niya sa three-team trade, (Talk N’ Text, NorthPort at NLEX).
Lumanding si Cruz sa Road Warriors, pumabor sa kanya ang trade dahil makakasama niya ang coach na nagbigay sa kanya ng daan para makilala sa Philippine Basketball Association (PBA).“Wala ako sa kinalalagyan ko ngayon kung ‘di dahil kay coach Yeng,” ani Cruz. “Siya ‘yung nagbigay ng daan sa akin sa PBA. Binigyan niya ako ng tiwala and chance na makapaglaro. Kumbaga siya ‘yung nagbigay-buhay sa career ko sa PBA.”
Napiling 9th overall pick ng ROS si Cruz noong 2014 draft, naging masigla ang kanyang basketball career sa ilalim ni coach Guiao. Noong 2015-16 season, kasama si Cruz nang magkampeon ang Elasto Painters sa Commissioner’s Cup. Nakapaglaro rin siya sa All-Star Game at nanalong Most Improved Player.
Makikilatis muli ang tikas ni Cruz bukas sa pagharap ng NLEX sa Magnolia sa alas-7 ng gabi sa MOA Arena sa Pasay City. “I’m very much hoping na ibibigay niya ulit sa akin ‘yung tiwala niya kasi malaking bagay ‘yun sa player pag may tiwala sa’yo yung coach mo,” hayag ni Cruz.
Magtatapat sa unang laro ang San Miguel Beer at Blackwater sa 4:30 p.m. (ATD)





Comments