GSW, NAKALIGTAS SA GAME 5; KD, INJURED


ANG tres puntos na nagawa ni Stephen Curry at Klay Thompson ang bumuhay sa defending champion Golden State Warriors upang maungusan ang Toronto Raptors, 106-105 kahapon at mapanatili ang pag-asang makasilat ng ikatlong sunod na NBA finals crown.
Umiskor si Curry ng 31 puntos habang si Thompson ay nagdagdag ng 26 nang maitarak ng Warriors ang 2-3 win sa best-of-seven championship series at makapuwersa ng Game 6 na idaraos sa Huwebes sa Oakland, California at kung may Game 7 pa ay gagawin ang laro sa Toronto sa Linggo. “Do or die,” ani Curry. “It wasn’t pretty in the second half but we just made the shots.”
Kulang pa rin ang sigla sa laro ng Warriors dahil ang pagbabalik laro ni GSW star Kevin Durant na matagal ding naghintay na makabalik sa porma dahil sa dinanas na right calf injury ay may natirada lang na 11 puntos sa loob ng 12 minuto bago uli nagkaroon ng right achilles tendon injury at inakay na siya palabas ng court.
Sasailalim muli si Durant, ang 2017 at 2018 NBA Most Valuable Player at Golden State’s top playoff scorer na may 34.2 puntos kada game, sa MRI sa Martes. “On the one hand I’m so proud of them, just the amazing heart and grit they showed, and on the other, I’m just devastated for Kevin,” saad ni Warriors coach Steve Kerr.
Ikaapat na titulo ang pakay ng Warriors sa limang seasons habang kumawala pa sa kamay ng gigil na Raptors na maangkin ang unang titulo sa kanilang ika-24 na season history. (MC)





Comments