top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Comelec sa mga kumandidato: MAGSUMITE NA NG SOCE

Madel Moratillo
Jun 12, 2019
2 min read

NAGPAALALA ang Commission on Elections sa mga kandidatong lumahok sa katatapos na May 13 midterm polls na hanggang bukas, Hunyo 13, na lamang sila para magsumite ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).

Nabatid na dapat sana ay ngayong araw, Hunyo 12, ang deadline sa paghahain ng SOCE o isang buwan matapos ang eleksiyon pero dahil natapat ito sa Independence Day na regular holiday ay nagpasya ang Comelec na palawigin ang deadline hanggang Hunyo 13.

Batay sa Republic Act No. 7166, lahat ng nagsumite ng Certificate of Candidacy (COC) at lahat ng electoral parties ay dapat magsumite ng mga tamang impormasyon sa kanilang SOCE, sa loob ng 30 araw matapos ang halalan.

Ayon sa Comelec, nanalo man o natalo ang kandidato sa halalan ay dapat magsumite ng SOCE ang mga ito.

Kailangang idetalye ng mga kandidato sa kanilang SOCE ang tinanggap nilang mga donasyon at kontribusyon, gayundin ang mga ginastos nila sa pangangampanya para sa nilahukang eleksiyon.

Babala ng poll body, ang pagkabigong magsumite ng SOCE ay may katapat na administrative sanctions laban sa kandidato at sa electoral parties.

Mas matindi ang parusa laban sa nanalong kandidato na mabibigong magsumite ng SOCE dahil hindi ito papayagang makaupo sa puwesto sa Hulyo 1 at papatawan pa ng kaukulang multa habang may kaukulang multa at parusa rin ang mga natalong kandidato na hindi rin magsusumite ng kanilang SOCE at hindi na papayagang kumandidato pa.

Ayon sa Comelec, ang mga nanalong kandidato ay maaari namang magsumite ng SOCE sa loob ng anim na buwan mula sa petsa matapos ang proklamasyon nito.

Gayunman, hangga't hindi pa umano nakapagsusumite ang mga ito ng SOCE, hindi muna sila maaaring maupo sa puwesto.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page