Taxi driver hinoldap, sasakyan tinangay ng 3 pasahero

HINOLDAP at kinarnap pa ang ipinapasadang taxi ng 40-anyos na driver ng dalawang lalaki at isang babaeng nagpanggap na pasahero sa Pasay City.
Kinilala ni Pasay City Police Chief P/Colonel Bernard Yang ang biktima na si Reynaldo Jardael.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang Pasay Police hinggil sa pagkakakilanlan ng mga suspek.
Naganap ang panghoholdap alas-4:00 ng madaling-araw sa loob ng ipinapasadang taxi ng biktima, na puting Toyota Vios, na may body marking “El Castle” at plakang UVP197 sa panulukan ng Taft at Gil Puyat Avenues.
Sumakay ang mga suspek sa taxi ng biktima at nang nasa loob na ang mga ito ay tinutukan nila ng kalibre .38 at sabay na nag-anunsiyo ng holdap. Kinuha ng mga suspek ang wallet ng biktima na naglalaman ng kinita nito na nasa P3,000 at assorted IDs.
Kinarnap pa ng mga suspek ang taxi ng biktima.
Sa pamamagitan ng GPS locator, natagpuan ang nasabing taxi na inabandona ng mga suspek sa Las Piñas-Talaba Diversion Road, Bacoor, Cavite.





Comments