Mga sanhi ng pagkabaog ng lalaki
- BULGAR
- Jun 11, 2019
- 3 min read
Dear Doc. Shane,
Mahigit limang taon na kaming kasal ng aking mister subalit, hanggang ngayon ay hindi pa kami nabibiyayaan ng anak. Wala naman sa aming lahi ang baog o walang anak. Ano ang posibleng dahilan ng pagkabaog ng lalaki at paano ito gagamutin? Ayaw kasing magpa-check-up sa doktor ang aking asawa. — Renailda
Sagot
Ang pakabaog ng lalaki o male infertility ay ang kawalan ng kakayahang makabuntis. Ang pagkabaog ng lalaki ay karaniwang dahil sa mga problema sa semilya nito.
Nahahati sa tatlong bahagi ang sanhi ng pagkabaog ng lalaki at ito ay ang mga sumusunod:
Pre-testicular causes: Mababang level ng testosterone (hormone ng pagkalalaki) sa katawan dulot ng mga paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot, pag-inom ng alak at paninigarilyo, pag-inom ng iba’t ibang gamot tulad ng steroids, gamot laban sa kanser (chemotherapy) at iba pa.
Gayundin, ang “genetic abnormalities” o problema sa genes na nagtataglay ng iba’t ibang impormasyon sa pagkakabuo at paglaki ng tao.
Testicular causes:
Edad — kung napakabata o napakatanda, maaaring hindi pa o hindi na gumagana ang mga testes o itlog.
Genetic problem
Chromosomal problems — ang chromosomes ay pinagsama-samang genes. Ang bawat tao ay may 46 chromosomes at 23 pares. Kung magkaroon ng problema sa pagkakapares, may nawala o nadagdag na iba pang chromosome, maaaring maapektuhan ang abilidad ng lalaki na gumawa ng semilya at makabuntis.
Bukol sa itlog (testes) o sa bayag (scrotum) — ito ay maaaring makaapekto sa kakayahan ng testes na gumawa ng semilya o tamod.
Hindi pagbaba ng itlog — habang ang lalaking sanggol ay nasa sinapupunan pa, ang mga itlog ay nasa mga bituka. Ito ay nalalaglag patungo sa bayag kung saan ang temperatura ay mas malamig at napoproteksiyunan ng nakapalibot na tubig. Kapag hindi bumaba ang mga itlog (cryptorchidism), posible nitong maapektuhan ang produksiyon ng semilya.
Hydrocoele — ito ay kundisyon kung saan konektado ang bituka sa bayag, maaaring pumasok ang mga tubig na nasa bituka patungo sa bayag at kapag naipon ang tubig na ito, maaaring bumara sa mga daluyan ng semilya at makaapekto sa produksiyon ng semilya.
Varicocoele — ito ay kundisyon kung saan malago ang mga ugat ng dugo na nasa loob ng bayag. Ang mga ugat na ito ay maaaring magkaroon ng epekto na tulad ng hydrocoele.
Impeksiyon tulad ng beke at malaria — ang mga ito ay maaari ring makaapekto sa mga itlog ng lalaki.
Post-testicular causes: Pagbabara sa anumang bahagi ng daluyan mula sa mga itlog (testes) patungo sa butas ng ari ng lalaki (urethra). Ito ay maaaring dahil sa tumor, bukol, impeksiyon at iba pa.
Retrograde ejaculation — baligtad ang pagdaloy ng semilya, imbes na patungo sa butas ng ari ng lalaki, ito ay papasok sa pantog.
Hypospadias — ang butas ng ari ay nasa ibaba imbes na nasa harap kaya hindi ito nakatutok ng diretso sa puwerta ng babae at hindi nakararating ang semilya.
Impotence — ang kawalan ng kakayahan na patigasin o panatilihing matigas ang ari ng lalaki.
Ano ang gamot sa pagkabaog ng lalaki?
Ang gamot sa pagkabaog ng lalaki ay depende sa sanhi ng pagkabaog. Dapat matiyak na ang babae ay hindi baog para masiguradong ang lalaki ang sanhi ng hindi pagkakaroon ng anak ng mag-asawa.
Kapag pre-testicular ang dahilan ng pagkabaog, maaaring ang solusyon ay hormone therapy at iba pa, samantalang, kung testicular ang dahilan, maaaring ang solusyon ay ang In Vitro Fertilization o IVF. Ang IVF ay proseso kung saan kinukuha ang sperm cell ng lalaki at egg cell ng babae at ito ay pinag-uugnay sa “Petri dish”. Kapag napag-ugnay na ang dalawa para bumuo ng “embryo”, ito ay itinatanim sa bahay-bata ng babae at ang “embryo” ang magiging sanggol at kung post-testicular naman ang dahilan, maaaring surgery o operasyon ang solusyon. Puwede ring In Vitro Fertilization (IVF) ang gawing solusyon.
Makabubuti pa rin na magpatingin sa urologist o espesyalista sa mga ganitong problema ng kalalakihan para malaman ang sanhi ng pagkabaog.
Tandaan, may dahilan ng pagkabaog na hindi maaaring maiwasan.
Makabubuti kung iiwasan ang mga sumusunod:
Paninigarilyo
Madalas na pag-inom ng alak
Paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot
Madalas na pakikipagtalik, ang araw-araw o higit pa ay maaaring makapagpababa ng bilang ng sperm cells sa lalaki.
Comments