Giyera sa iligal na droga, dapat sabayan ng giyera sa korupsiyon!

PUWEDE nang maging turista sa International Space Station (ISS).
Mura lang ang pamasahe, ang back and forth ay $300 million o mahigit P15 bilyon!
◘◘◘
SUMABIT ang ilang ehekutibo dahil sa scam.
Dati nang nagpapayaman ang mga ‘yan!
◘◘◘
KUNG hindi pobreng magsasaka ang ginagamit sa pandarambong, kaawa-awang obrero ang ninanakawan ng mga hudas.
Salapi ng mga obrero ang dinarambong, pero walang naisa-salvage!
◘◘◘
HIGIT na grabe ang isyu ng korupsiyon kaysa sa isyu ng illegal drugs.
Sa illegal drugs, palihim ang modus-operandi.
◘◘◘
ANG giyera kontra iligal na droga ay dapat sabayan ng digmaan kontra korupsiyon.
Kailangang makalaya ang 100 milyong Pinoy mula sa mga kuko at pangil ng mga magnanakaw sa pamahalaan!
◘◘◘
BIGO ang Konstitusyon na protektahan ang mamamayan laban sa korupsiyon.
Dahil ang mga nagpapatupad ng batas ang siyang utak ng mga pandarambong!
◘◘◘
WALA pang isinisilang na lider ng bansa na may karisma upang pangunahan ang digmaan kontra sa pandarambong.
Wala pang lider ang naihahalal na may mataas na moralidad at dignidad!
◘◘◘
ANG phenomenon na ito ay hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong daigdig, maikukumpara sa sitwasyon bago dumating ang ‘Unang Kristo’.
Ito rin ang sitwasyon bago ang malaking baha noong panahon ni Nunong Noah, kaliwa’t kanan ang imoralidad at korupsiyon!
◘◘◘
ANG dalawang “kuwentong ito” sa Bibliya ay bunga ng pagtatangka ng mga dakilang manunulat ng mga panahong ‘yun na ibunyag at idokumento kung gaano karumi o kasuklam-suklam ang sitwasyon ng lipunan.
Ang tema ng kuwento ay iisa, kailangan ang “tagapagligtas” kung saan biglang lilitaw sa eksena ang bidang sina “HesuKristo at Noah”!
◘◘◘
SA ngayon, sinong manunulat ang magdodokumento, magkukuwento kung gaano kasuklam-suklam ang sitwasyon sa daigdig?
Siyempre, kabilang sa sitwasyong ito ang korupsiyon at imoralidad sa lipunan.
Sinong modernong “tagapagligtas” ang sasagip sa ating lahat?
◘◘◘
SAKALING may lumitaw na modernong “tagapagligtas”, dudumugin ng “like at share” ang post nito kung saan hahantingin siya ng lider ng malalaking bansa tulad ng US, Russia, EU at China.
Ang modernong “tagapagligtas” ay kakasuhan at lilitisin sa International Criminal Court (ICC) gamit ang world- wide web sa inimbentong alegasyon at paglabag sa karapatang-pantao.
Kapag sa Pilipinas lumitaw ang modernong “tagapagligtas”, dudumugin din ng “like and share” ang kanyang post kung saan may takip na diyaryo ang kanyang bangkay at nakamarka na “nang-agaw ng baril ng parak!”
◘◘◘
NAWA’Y makalaya na tayo mula sa kadena ng kamangmangan, katamaran, pagsandal sa ibang bansa at kawalan ng direksiyon.
Makalalaya lamang tayo gamit ang wagas na ideolohiyang tunay na maka-lahing kayumanggi.
Ngayon pa lang, Maligayang Araw ng Kalayaan sa lahat!





Comments