Motor nabangga, nagulungan | ANGKAS NA MISIS, TIGOK SA TRAK

PATAY ang isang ginang habang sugatan ang mister nito makaraang kapwa tumilapon at magulungan ng nakabanggang trak sa kahabaan ng Aguinaldo Highway, Bgy. San Agustin 2, Dasmariñas, Cavite, kamakalawa.
Kinilala ang mag-asawang biktima na sina Erickson Palce, 35, driver ng motor na kasalukuyang ginagamot habang ang misis ay si Gelli, 25, na angkas na nasawi sa insidente. Hawak na ng pulisya ang driver ng trak na si Junny Macahilos, 39, residente ng Bgy. San Agustin 3.
Alas-6:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Aguinaldo High-way, Bgy. San Agustin 2, kung saan magkaangkas ang mag-asawang biktima sa Yamaha MIO MV File no. 0401-0279253.
Habang nasa vicinity ng Via Verde highway nang pansamantalang huminto ang mga ito upang bigyang-daan ang isang sasakyan na papalabas ng highway subalit, nasabitan ito ng kasabayang trak na Isuzu Rebuilt plate no. NAO-3436 na minamaneho ng suspek.
Pagkasalpok sa mga ito ay tumilapon ang mag-asawa at napunta sa ilalim ng trak kung saan nagulungan ang misis na biktima na naging dahilan ng agarang pagkamatay nito.
Naitakbo naman sa Pagamutang Lungsod ng Dasmariñas ang driver ng motor na kasalukuyan ngayong ginagamot habang nakakulong na ang driver ng nasabing trak.





Comments