top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Mga programa at serbisyong inilunsad ng PCUP, ayos!

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 10, 2019
2 min read

ANG Presidential Commission for the Urban Poor o PCUP ay nagsisilbing direktang tagapag-ugnay ng tao sa gobyerno at gobyerno sa tao. Kumbaga, ang PCUP ay mistulang tulay ng mamamayan sa pamahalaan sa pagbubuo ng mga programa at polisiya na makatutulong sa ating mga komunidad.

Tanong: Magandang araw! Nais kong malaman kung ano ang mga programa ninyo na puwedeng makabenepisyo kaming mga mahihirap? — Gaston

Sagot

Maraming programa ang PCUP. Isa rito ay ang pagbibigay ng training sa mga lider ng maralita tulad ng organizational management o pagpapalakas ng samahan at pagtuturo ng mga batas-pangmaralita na angkop sa ating komunidad.

Nagtuturo rin tayo kung paano gumawa ng sabon, pabango, kandila, processed food o anumang maaari nating pagkakitaan. Ang ilan sa ating mga nabigyan ng training ay nagtayo ng sariling negosyo o naging mga kooperatiba na.

Nagbibigay din tayo ng training para sa kahandaan tuwing may sakuna na nakadepende sa ating lugar. Halimbawa, kung tayo ay palaging binabaha o mayroong parte sa ating komunidad na sakop ng fault line, ang training na ibibigay ay nakaayon dito.

Bukod sa mga training, tayo rin ay tumutulong sa mga samahan na mag-organisa upang magkaroon ng kasiguraduhan sa paninirahan tulad ng pagbili ng lupa sa ilalim ng programa ng Community Mortgage Program (CMP) o pagpapautang ng gobyerno sa samahan upang makabili ng abot-kayang bahay at lupa at iba pang proseso.

Ngayon, mayroon tayong tatlong bagong programa: Ang PCUP Caravan, Urban Poor Privilege Card at Adopt-a-Community kung saan lilikumin ng PCUP ang mga gustong makipag-partner na pribado, non-government at government agencies upang makapagbigay ng direktang serbisyo sa tao.

Sa PCUP Caravan, nagsisilbi itong one-stop-shop ng iba’t ibang serbisyo na napagsama-sama ng ating ahensiya tulad ng medical mission, jobs fair at livelihood opportunity, wellness services, scholarship at paglalapit ng serbisyo ng PSA, LTO, SSS, PhilHealth, DTI, DOLE, DSWD, OWWA, POEA, PAO, PAGCOR, PCSO, TESDA, PESO at lokal na pamahalaan.

Samantala, ang Urban Poor Privilege Card ay discount card na tulad ng senior citizen card na magbibigay ng diskuwento sa pamilya na kinikilala bilang maralita. Sa Adopt-a-Community naman, ipaaampon natin sa mga kumpanya ang mga urban poor community upang magkaroon sila ng basic services.

Marami pang programa at serbisyo ang PCUP na maaari nating malaman sa pamamagitan ng pagbisita sa ating Official Facebook Page na fb.com/pcupPH o sa ating website na pcup.gov.ph.

Para mapadali ang ating pag-access sa mga serbisyo ng PCUP, maaari tayong pumunta sa ating website sa www.pcup.gov.ph, bumisita sa ating Official Facebook Page na fb.com/pcupPH o magtungo sa ating ahensiya sa PCUP Central Office, 4th flr. DHC Bldg., 1115 EDSA, Prioject 7, Quezon City.

Mangyaring mag-email lamang sa pcup.media2019@gmail.com para sa inyong mga katanungan at sinisiguro nating sa susunod na paglabas ng ating column, mababasa ninyo sa pahayagang ito ang kasagutan sa inyong mga katanungan.

Inaasahan natin ang inyong mga katanungan dahil hangad natin ang magbigay-serbisyo para sa lahat. Muli, nagbabalik ang inyong lingkod upang magbigay ng direktang aksiyon para sa masa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page