Gun runner dedo sa engkuwentro
- Maeng Santos
- Jun 10, 2019
- 1 min read

TODAS ang hinihinalang miyembro ng gunrunning syndicate nang mauwi sa barilan ang ikinasang buy-bust operation of firearms ng mga pulis sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi. Dead-on-the-spot sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa katawan ang suspek na si Jimverick Infante alyas Jimboy, nakasuot ng athletic police uniform na may markang pulis at gray short.
Sa nakarating na report kay acting Caloocan Police Chief P/Col. Noel Flores, alas-10:45 ng gabi nang ikasa ng mga tauhan ng Caloocan Police Intelligence Branch ang buy-bust operation of firearms kontra sa suspek sa loob ng abandonadong compound sa Bgy. 179, Amparo.
Gayunman, natunugan ng suspek na isang undercover police ang kanyang katransaksiyon kaya bigla nitong itinulak ang poseur-buyer sabay labas ng baril at pinaputukan ang pulis na mapalad na hindi tinamaan.
Nagawang makaganti ng mga putok ang police poseur-buyer hanggang sa tamaan sa katawan ang suspek na nagresulta ng kanyang kamatayan.





Comments