top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

GAZZ, TINUSTA ANG ARMY SA PVL; UST, MAY GOLF CUP TOURNAMENT

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 10, 2019
2 min read

WINALIS ng PetroGazz ang PacificTown Army, 25-12, 29-27, 25-15, upang ganap ding mawalis ang first round ng PVL Season 3 Reinforced Conference, kahapon sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Isinara ng Angels ang unang round sa pamamagitan ng pagposte ng ikalimang sunod nilang panalo habang tumapos ang Lady Troopers na may patas na markang 2-2, panalo-talo.

Mainit ang naging simula ng PetroGazz na lumamang ng 14 puntos sa first set 18-4 kung kaya madaling nakuha ang 1-0 bentahe.

Sa sumunod na set, akmang sisingit at makakatabla pa ang Army at babahiran ang malinis na record ng Angels na ‘di nakatitikim ng set loss matapos nilang lumamang, 22-17.

Dito na kumilos sina imports Wilma Salas at Janisa Johnson na naglatag ng 6-1 rally na tinapos ni Jeanette Panaga ng isang ace para itabla ang laro sa 23-all.

Na-extend ang second set at umabot sa 27-all bago ito binasag ng isang off-the-block hit ni Johnson na sinundan ng attack error ni bagong Army import Olena Lymareva-Flink.

Sa third set, hindi na pinaporma pa ng Angels ang Troopers upang ganap na makumpleto ang first round sweep ng walang isinusuko na kahit isang set. Pinangunahan ni Salas ang panalo sa ipinosteng 27 puntos mula sa 19 hits, 6 na service aces at 2 blocks, habang nagdagdag si Johnson ng 22 puntos.

Samantala, magdaraos ang University of Santo Tomas (UST) Office of Alumni relations ng Rector’s Cup IV: Thomasian Alumni Golf Tournament ngayong araw sa The Orchard Golf and Country Club sa Dasmariñas City sa Cavite. Kapartner ang UST Alumni Association, pakay ng torneo na ihatid ang mga golf enthusiasts mula sa Thomasian community para na rin sa kapakanan ng UST athletes.

Ang mga kalahok ay may tsansa na makasungkit ng iba’t ibang papremyo, medical treatment package, gold accessories, state of the art appliances, local at international travel packages at marami pang iba. (VA)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page