Dahil sa text message | 4 SANGKOT SA DROGA, TIMBOG

NATIMBOG ang hinihinalang drug pusher at apat nitong kasama sa ikinasang buy-bust operation sa Valenzuela City.
Unang nakatanggap ng text messages ang Valenzuela City Police mula sa National Capital Region Police Office na ipinadala ng concerned citizen sa hotline number hinggil sa illegal activities ng isang Victor de Jesus, 48, residente ng Bgy. Dalandanan.
Isinailalim ito sa apat na araw na surveillance operation ng mga operatiba ng Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at nang makumpirma ang impormasyon, ikinasa ang buy-bust operation sa pangunguna ni P/Capt. Segundino Bulan, Jr. kontra kay De Jesus sa labas ng kanyang bahay.
Nakaiskor sa suspek ng sachet ng shabu kapalit ng P200 marked money at nang magbigay ng go-signal ang pulis na nagkaabutan na, agad lumusob ang back-up na mga operatiba saka sinunggaban si De Jesus.
Narekober sa suspek ang buy-bust money, isang pouch na naglalaman ng dalawang sachets ng shabu at P300 cash habang kasama ring nadakip sa operation sina Danilo Aload, Jr., 41; Marlon Gonzales, 49; Argienel Compasion, 26, at Rodrigo Sising, 50, matapos makuhanan ng tig-isang sachet ng hinihinalang shabu.
Kaugnay nito, nagpahayag naman ng pasasalamat si acting Valenzuela City Police Chief P/Col. Carlito Gaces sa concerned citizen na nagbigay ng tip sa pulisya hinggil sa iligal na aktibidad ng mga suspek.





Comments