Hirit ng Malacañang, publiko hindi dapat maalarma sa mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin
- Ryan B. Sison
- Jun 9, 2019
- 1 min read

SA ngayon ay naging mabilis ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin kung saan pumalo na ito sa 3.2 porsiyento.
Kaya naman, maraming Pinoy ang nababahala dahil hindi na nila alam ang maaari nilang gawin upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan.
Dagdag pa na kauumpisa lamang ng pasukan na aminin man natin o hindi, eh, masakit sa bulsa, lalo na kung wala kang sapat na pera.
Gayunman, tiniyak ng Palasyo sa publiko na walang dapat ikaalarma sa bahagyang pagbilis ng inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil tinitiyak nilang bababa rin ito.
Samantala, hindi natin masisisi ang ilang mamamayan na mabahala dahil hindi naman pantay-pantay ang ating kakayahang mabuhay, mayroong iba na kahit sumobra pa sa taas ang mga bilihin, eh, kayang-kaya nilang maka-survive, pero, paano ang indibidwal na halos gumagapang na, makaahon lang sa kahirapan?
Gayundin, hiling natin na matupad ang pagbaba ng inflation rate na isa sa mga dahilan kaya maraming Pinoy ang hirap nang mabuhay sa kasalukuyan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments