top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Erwin Tulfo, patatawarin ni Sec. Bautista, depende sa kondisyon?! Hmmm…

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 9, 2019
2 min read

HALOS isang linggo ang pinalipas ni DSWD Sec. Rolando Bautista, dating heneral na respetado sa Armed Forces of the Philippines (AFP) bago rumesponde sa mga maaanghang na salita, pang-iinsulto at pagbabanta na binitawan ni Erwin Tulfo sa radyo laban sa kanya nang hindi siya napagbigyan sa panayam ng kalihim. Hindi natin kailangan pang ulitin ang mga sinabi ni Tulfo. Gayunman, ipinagtanggol si Sec. Bautista ng mga aktibo at retiradong militar, partikular ang Philippine Military Academy Alumni Association.

Ayon kay Bautista, tapat niyang tatanggapin ang paghingi ng tawad ni Tulfo, alinsunod sa ilang kondisyon — kung ipahahayag niya ang paghingi ng tawad sa pamamagitan ng pagpapalabas nito sa mga kilalang pahayagan (hindi liliit sa kalahating pahina), istasyon ng radyo at maging sa kanyang social media accounts. Gayundin, imbes na magbayad ng danyos, kinakailangan na lang umanong magbigay ng donasyon si Tulfo ng P300, 000 sa iba’t ibang institusyon ng gobyerno. “Sa halip na pambayad ng danyos o bayad-pinsala sa pagka­wasak ng aking pagkatao, reputas­yon at pati na rin ng mga institusyon na aking kinatawanan o naging kaanib,” ani Sec. Bautista.

◘◘◘

Kasunod ng pagbawi ng Philippine National Police (PNP) sa bodyguards ng mga Tulfo, inuutusan si Erwin Tulfo na isuko ang kanyang mga baril para pansaman­talang itago ng PNP dahil paso na raw ang mga lisensiya nito. Kung iisipin, kaya niyang manigaw at mang-insulto ng respetadong heneral, gayung paso na ang mga lisensiya ng kanyang mga baril. Marahil, kung ordinaryong tao o kilalang kritiko ito ng gobyerno, inaresto o ikinulong na ito.

Habang isinusulat natin ito, wala pang reaksiyon si Tulfo sa mga kundisyon ni Sec. Bautista, hindi naman niya siguro babanatan ulit sa radyo ang opisyal? ‘Ika nga, ang lahat ng bagay at kilos, mabuti o masama man ay mayroong kabayaran.

Samantala, sa Pinoy Big Brother (PBB) Otso, napalabas ng bahay si Banjo Dangalan dahil sa ‘rape joke’ niya. Dapat lang! Anuman ang motibo nito, hindi normal o hindi katanggap-tanggap ang ganyang mga pananalita, lalo na sa panahon ngayon. Samantala, binawi naman nang pangha­bambuhay ang lisensiya ng lalaking “nagpasikat” sa social media kung saan makikita sa video nito ang pagmamaneho ng sasakyan habang nakasakay sa pampasaherong upuan.

Sana ay magsilbing babala sa lahat, partikular sa mga naniniwalang may karapatan silang gawin o mag­salita ng anumang bagay. Mabilis kumalat ang ganitong mga pangya­yari, hindi na mababawi kapag nagawa o nasabi na.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page