Naglalakad sa hardin ng palasyo habang may hawak na bulaklak

Salaminin natin ang panaginip ni Amihan ng Amihan_Mangga@facebook.com
Dear Professor, Nasa malaking bahay daw ako at nakasuot ako ng damit na pangreyna na kulay pula, nasa hardin ako at habang naglalakad ay hinahawakan ko ang mga bulaklak. ‘Yung BF ko ay nasa likod, sumusunod lang siya sa akin at may hawak siyang papel na puti hanggang sa makarating kami sa tapat ng gate, nakita ko ru’n yung dating nanligaw sa akin, nakatayo siya at nakatingin sa amin. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay, Amihan
Sa iyo Amihan, Sa likod ng iyong napakagandang panaginip na may malaking bahay at nakasuot ka ng damit ng reyna at ang hardin na nilalakaran mo habang may hawak kang mga bulaklak ay ang katotohanan na sa kasalukuyan ay hindi ka masaya sa iyong boyfriend.
Ang isa pang katotohanan ay puwede kang maagaw ng nanliligaw sa iyo sa BF mo. Ito ay dahil hindi ka na masaya sa kasalukuyan mong relasyon. Puwede ba itong hindi mangyari, kumbaga, makaiiwas ka ba sa sinasabi ng iyong panaginip?
Ang sagot, bakit ka iiwas sa sinasabi ng panaginip mo, eh, hindi ka nga masaya? Pero, kung magpupumilit ka sa ngalan ng pag-ibig, puwede rin naman, kaya lang, may tsansa pa rin na maagaw ka ng iba.
Marami ang nagsasabi na ang hindi masaya ay puwede pa ring sumaya. Marami ang nagpapayo ng kung anu-ano para labanan ang sitwasyong hindi masaya sa piling ng karelasyon, pero kahit gaano kagaganda ang mga mungkahi, hindi na mababago ang kasalukuyan mong nararamdaman. Sa pakikipagrelasyon, ang minsang hindi naging masaya ay muling hindi magiging masaya dahil ang mga pangyayari lang ang puwedeng magbago, pero ang tao ay mahihirapan, lalo na kung sobra na siyang nasasaktan.
Huwag mong labanan ang sinasabi ng iyong panaginip dahil mahirap mang paniwalaan at tanggapin, ito mismo ang susi kung paano ka liligaya.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo





Comments