top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Mga multi-billionaire, daig pa ng mga pulubing mahimbing ang tulog sa bangketa

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 7, 2019
2 min read

DUMARAMI ang nagdarahop sa bansa, pero alam ba ninyong hindi lahat ng anak-mayaman ay walang problema?

Usap-usapan ngayon ang isang alyas Margaret na anak ng multi-bilyunaryong may-ari ng popular na bangko ay pasan ang langit sa rami ng atraso!

◘◘◘

SUMABIT si alyas Margaret nang hiningan niya ng P12 milyon ang 2 negosyante sa pangakong ibibenta rito ang lote na pag-aari ng kanilang bangko, pero sa ibang tao ito ibinenta.

Ang resulta, kinasuhan siya ng estafa sa Makati Regional Trial Court!

◘◘◘

NAGDEMANDA naman sa trial court sa San Juan City ang kumpanya ng alahas dahil tumalbog ang tsekeng P6 milyon na ipinambayad sa kanila ni alyas Margaret.

May tulad din na kaso sa hukuman sa Maynila at Quezon City ang pobreng anak ng banker bukod pa ang pagtalikod sa ilang pinasok na kontrata.

Kapag ganyan ang buhay ng mayaman, daig pa siya ng mga pulubing mahimbing ang tulog sa bangketa!

◘◘◘

ANG masakit, bago yumao ang kanyang ama na kilalang banker, itinakwil ang kanyang anak na inilabas sa media.

Inilathala niya sa paid advertisement na wala na siyang kinalaman sa mga gawain ng kanyang anak.

Nilinaw ng mga abogado ng banker na matagal nang putol ang kanyang relasyon sa alibughang anak!

◘◘◘

DUMARAMI ang lumalantad at nagkukumpirma sa ibinunyag ni dating Speaker Pantaleon Alvarez na may “bilihan” sa pagka-Speakership.

Inamin ni ACT Teacher Partylist Rep. Antonio Tinio na narinig din niya ang “pera-pera” sa maniobra.

Pero, nilinaw ni Tinio na hindi siya kabilang sa mga inalok ng naturang halaga!

◘◘◘

MAY isa namang kongresista na ayaw magpabanggit ng pangalan na P2 milyon ang inalok sa kanya ng aspirante.

Pero, ito ay sa pasubaling iboboto nito ang nagbigay ng salapi—iendorso man siya o hindi ni P-Digong!

◘◘◘

SA pinakahuling ulat, ibinunyag mismo ni Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales na umabot sa tumataginting na P7 milyon ang presyo kada boto sa Kamara.

Mahabaging langit, may ganyan bang kalaking halaga ang mga aspirante sa pagka-kongresista?

◘◘◘

KABILANG sa aspirante sa pagka-Speaker sina Martin Romualdez, Lord Allan Velasco at Alan Peter Cayetano.

Para makuha ang 200 boto, sino sa kanila ang mag-uubos ng P1 bilyon?

◘◘◘

KAMAG-ANAK si Romualdez ng Pamilya Marcos, saan sila kukuha ng bilyong piso, gayung wala silang malaking negosyo?

Maging si Cayetano ay wala ring negosyo na maaaring pagmulan ng ganyan kalaking halaga.

Pero, si Velasco, idinidikit sa kanyang pangalan ang bigtime businessman na anak-anakan ng kanyang misis.

Maglulustay ba ng ganyang kalaking halaga ang kanyang lihim na financier makopo lang ang kontratang nakatengga sa pamahalaan?

◘◘◘

KUNSABAGAY, lahat ng sektor ay pinasok na ng big time businessman kaya mahalagang makontrol nito ang takbo ng Kongreso.

Chicken feed lang ang bilyon, kumpara sa pabor na makokorner mula sa pamahalaan!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page