Alamin mula kay Señor... KAALAMAN TUNGKOL SA PAGKAKAROON NG ANAK
- BULGAR

- Jun 7, 2019
- 2 min read
Bigyang-daan natin ngayon ang email ni Hilda ng Hilda_Mariveles@ facebook.com
Dear Señor,
May asawa na ako, pero wala pa kaming anak, two years na kami ngayong darating na July.
Gusto kong humingi sa inyo ng gabay para magkaanak na kami ng asawa ko.
Maraming salamat!
Naghihintay,
Hilda
Sa iyo Hilda,
Noon, mahiwagang bagay kapag hindi mabuntis ang babae. Kaya kung anu-anong pamahiin ang naglalabasan at pinaniniwalaan ng marami nating kababayan.
Sinasabing, ang pagkain nang mas maraming kanin na kakaunti ang ulam ay dahilan kung bakit hindi mabuntis ang babae.
Kaya ang solusyon sabi ng matatanda ay damihan ang ulam at ang pagkain ng prutas.
Nakatutuwa, ‘di ba? Pero, alam mo, may basehan ang paniniwalang ito dahil kung kulang sa ulam, halos walang sustansiya ang katawan dahil ang kanin ay walang gaanong sustansiya.
Kailangan ang sustansiya para mabuntis dahil ang itlog ng babae ay nangangailangan ng maraming sustansiya.
Sinasabi ring kung gustong mabuntis ng babae, huwag siyang kumain ng mga kakanin.
May basehan ang paniwalaang ito dahil kapag ang tao ay kain nang kain ng matatamis na pagkain, siya ay tataba nang tataba.
Kapag ang taba ay napunta sa obaryo o sa paligid ng obaryo, ang itlog ng babae ay mahihirapan dahil ang taba ang nagpapasikip sa daluyan kung saan daraan ang itlog para hintayin niya ang semilya ng lalaki.
Kung gustong mabuntis, magsimba sa Obando, Bulacan kung saan dumarayo ang mga hindi magkaanak.
Pero, hindi simpleng pagsisimba lang kundi dapat sumayaw ang gustong mabuntis.
Bukod sa pananampalataya na bibigyan kayo ng anak ng Diyos, ang pagsasayaw ay malaking bagay para sa mga babae dahil maaaring matunaw ang taba na nakahahadlang sa kanyang pagbubuntis.
Kaya kahit hindi layunin ang mabuntis, sobrang maganda sa babae at lalaki ang pagsasayaw.
Sa itaas, makikitang ang pagkain ng masusustansiya at ang pagtunaw ng taba ay mahalaga sa sistema ng babae.
Kaya kumain ka ng tama at kahit hindi ka pumunta sa Obando, masahihin mo ang bahagi ng katawan na nasa paligid ng iyong reproductive system.
Ang tinatawag na best time for sexual intercourse na ang pangunahing layunin para mabuntis ay tuwing full moon.
Good luck and God bless!




Comments