Alamin mula kay Maestro... SADLAKANG KAPALARAN NG MGA ASO SA PAGNENEGOSYO
- BULGAR

- Jun 7, 2019
- 2 min read


SA negosyo, ang pagkakaperahan at career ay sinasabing, ngayong Taon ng mga Baboy, maraming pagkakaabalahan ang Aso na may kaugnayan sa salapi, ang problema sa rami ng kanyang mga inaaturga, maaaring hindi niya matapos ang ilan niyang mga ginagawa, kaya ang payo, kung magnenegosyo o mag-i-invest ang Aso ngayong taon, siguraduhin niyang matututukan niya ito upang ang nasabing investment o gawain ay tiyak na magtatagumpay at kumita ng malaking halaga.
May babala kasi na kung saan-saang bagay malilibang ang Aso, kaya marami siyang mapababayaan, pero tulad ng nasabi na, hindi ito dapat mangyari. Para masolusyunan ito, ang pinakaepektibong diskarte ay paisa-isa muna ang gawin sa partikular na panahon. Sa ganyang paraan, mas matitiyak ang tuluy-tuloy na pag-unlad at kaligayahan ng Aso ngayong 2019.
Kung sakaling marunong ng mag-concentrate sa iisang gawain o investment ang Aso, mas makabubuting ngayong Taon ng mga Baboy ay tutukan niya ang mga pagkakaperahang may kaugnayan sa stock market, cryptocurrency, bicotin o mga kakaibang salapi na hindi gumagamit ng bills o coin, sa halip, nagkakabayaran lamang sa pamamagitan ng digital asset. Ibig sabihin, inaanyayahan ng kapalaran ang Aso na mag-invest sa mga negosyo o pagkakakitaan na may kakaibang estilo o paraan, bago at moderno dahil sa nasabing mga gawain o negosyo sila tiyak na yayaman.
Samantala, sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, kung ikaw ay babaeng Aso na wala pang boyfriend o lalaking Aso na wala pang girlfriend upang makatagpo ng nakakikilig na pag-ibig, iminumungkahi ng mga bituin na mas mainam kung dadalasan mo ang paglabas ng bahay at dagdag na pakikipagsosyalan ang dapat mong gawin dahil ayon sa iyong kapalaran, sa mga ganitong okasyon mo matitisod ang iyong true love.
Sa mga may boyfriend, girlfriend o asawa, sinasabing, kailangang alagaan ninyong mabuti ang inyong minamahal dahil may tendency na “tuksuhin sila ng ibang nilalang at bigla silang magpatuklaw”. Ngunit, kung magiging malambing ka sa iyong kasuyo, mapag-aruga at hindi mo siya pababayaan, ang makamundong taong 2019 na maaaring sumakmal sa inyong relasyon ay hindi makapananaig. Ibig sabihin, imbes na maagaw ng iba ang iyong kasuyo, mas mapananatili ninyo ang matamis, masarap at panghabambuhay na relasyon.
Mapalad namang mapangasawa at makarelasyon ng Aso ang kapwa niya Aso, Tigre, Kabayo at Kuneho upang matiyak ang maligaya, maunlad at panghabambuhay na pamilya. Pinakapaborableng panahon para sa mga Aso ngayong 2019 ang mga petsang mula sa ika-5 ng Hunyo hanggang sa ika-5 ng Hulyo at mula sa ika-5 ng Setyembre hanggang sa ika-5 ng Nobyembre.
(Itutuloy)




Comments