top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Raket ng mga kawatan ngayong pasukan, nabuking!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 6, 2019
  • 2 min read

PINAG-IINGAT natin ang ating mga ka-BULGAR na mag-aaral dahil ngayong nagsimula na ang pasukan sa eskuwela kung saan tinatayang 28 milyong estudyante ang inaasahang magtutungo sa kani-kanilang eskuwelahan, may mga demonyong kawatan din ang “pumapasok” hindi para mag-aral kundi para mamerhuwisyo sa mga lehitimong estudyante.

Ayon sa nakalap nating impormasyon mula sa mga nakusap nating alagad ng batas, sumasabay din daw ang mga masasamang elemento ng lipunan kung saan kuntodo nakauniporme rin at naka-backpack din para hindi mo iisiping mga kawatan ang mga ito.

Ayon sa intelligence report, hindi pumapasok sa premises ng iskul ang mga ito, bagkus, nakaistambay lamang ang mga hinayupak na ito sa may gate ng eskuwelahan kung saan dito inaabangan ng mga animal na ito ang kanilang bibiktimahin para holdapin at hablutin ang mga may suot ng alahas o hawak na cellphone ang biktima.

Kapag nabigo ang mga gunggong na ito na nakawan ang biktima ay kanila itong hoholdapin habang nakatutok ang patalim sa biktima.

Apat na “estudyanteng” kalalakihan ang gumagawa ng katarantaduhang ito kung saan may kani-kanyang papel sa pambibiktima ang mga kamag-anak ni Taning para hindi sila mabuking sa paggawa ng krimen sa biktima.

Narito ang modus ng mga siraulong ito: 1.) Ang isang suspek ang magtuturo kung sino ang biktima. 2.) Isa ang agad sasalubong sa biktima at magkukunwaring magtatanong kung sino ang professor niya, kung saang room siya at kung anu-ano pa na ang hindi alam ng biktima ay dalawang suspek naman ang nakapaligid sa kanya. Ang isa ang dudukot o manghahablot ng hawak na cellphone at ang isa ang naka-cover para hindi makita ng tao ang ginagawa sa biktima.

Kapag nagtagumpay na sa pagnanakaw sa kaawa-awang biktima ay agad ipinapasa sa nagtatanong na suspek ang nakuhang gadget sabay takas ang mga animal na ito.

‘Yan ang raket ng mga balasubas na ito na imbes makatulong sa lipunan ay perhuwisyo pa ang idinudulot sa kapwa.

Sa mga estudyante riyan, ‘wag na kayong magdadala ng mamahaling gadget, alahas at mga mahahalagang bagay na puwede ninyong ikapahamak dahil may mga demonyong nagkukunwaring estudyante, pero mga kawatan pala.

Ikaw kaibigan, anong sey mo?

Laging tatandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko!

Ligtas ang may alam!

Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page