Malinaw ayon sa palad... LALAKING MAKATUTULUYAN ANG GF NA NABUNTIS


KATANUNGAN
May mabigat akong problema ngayon, nabuntis ko ang aking girlfriend nang wala sa panahon, gayung nag-withdraw naman ako noong last na nagtalik kami.
Medyo may pagka-flirt ang girlfriend ko dahil bukod sa akin ay nag-e-entertain pa siya ng ibang manliligaw. Kaya iniisip ko na baka hindi sa akin ang baby na nabuo namin, pero nu’ng binilang ko ang araw mula nang magtalik kami, sakto naman ‘yung pagbubuntis niya.
Maestro, ano sa palagay ninyo, ako kaya ang ama nu'ng baby at kami na kaya ang magkakatuluyan kahit ngayon ay nagdadalawang-isip pa ako kung siya na ba ang mapapangasawa ko? Sa totoo lang, hindi siya ang tipo ng babae na gusto kong mapangasawa at makasama, habambuhay.
KASAGUTAN
Dapat hindi mo muna ginalaw ang girlfriend mo kung hindi ka pa pala desidido na siya na ang babaeng gusto mong pakasalan. Pero, wala na tayong magagawa, nand’yan na ‘yan at nabuntis mo na ang iyong girlfriend, kaya ang pinakamabuti mong magagawa ngayon ay ang paghandaan ang napipitong pagiging ama mo sa malapit na hinaharap at siyempre, nangangahulugan din ito na magkakaroon ka na ng sariling pamilya.
Samantala, ganito ang nais sabihin ng guhit ng iyong mga palad kung saan ang kasalukuyan mo ng girlfriend ang iyong makatutuluyan. Ito ang nais ipahayag ng kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na tulad ng nabanggit na, dahil iisa lang ang Marriage Line (arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, walang duda, ang girlfriend mo na buntis, ang nakatakda mong makatuluyan at makasama sa pagbuo ng simple, pero masayang pamilya.
Ang pag-aanalisang kahit na hindi mo masyadong gusto ang girlfriend mo ay magiging masaya rin naman ang inyong relasyon ay madali namang kinumpirma ng Heart Line (Drawing A. at B. h-h) na dumila at ganap na tumuntong sa Mount of Jupiter (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad na nagsasabing, sa iyong pag-aasawa, may pangako na masaya at panghabambuhay na pagpapamilya.
DAPAT GAWIN
Justine, huwag mong paghinalaan ng masama ang girlfriend mo dahil anuman ang maging resulta ng pagdadalawang-isip mo sa kasalukuyan, sa bandang huli, wala ka ring magagawa sa itinakda ng kapalaran, ‘yung sinasabi mong hindi mo siya masyadong mahal, magiging mahal na mahal mo na rin siya sa sandaling isinilang na ang panganay ninyong anak at kayo ay magsasama nang maunlad at masaya.




Comments