Sanhi ng galis sa balat
- BULGAR
- Jun 5, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Nagkaroon ng galis sa balat ang 7 years old kong anak. Kinakamot niya ito hanggang sa magsugat. Naunang mayroon ng ganito ang anak ng kapitbahay namin na kalaro niya kaya sa palagay ko ay doon niya ito nakuha. Natatakot akong baka mahawahan din niya ang iba pa niyang kapatid na edad 3 at 5. Ano ang mabisang gamot na puwedeng ipahid para rito? — Esmeralda
Sagot
Ang pagkakaroon ng galis sa balat o scabies ay sakit na dulot ng impestasyon ng kuto na sarcoptes scabiei var hominis. Ang mga kutong ito ay maliliit lamang at nakikita sa ilalim ng microscope. Ito ay nagdudulot ng matinding pangangati sa balat at pagsusugat dahil sa sobrang pagkamot. Mabilis itong makahawa kung madidikit ang apektadong balat sa ibang balat (skin to skin contact) ngunit, madali rin namang magagamot kung mapapatay ang mga kutong naninirahan sa balat.
Ang pananalasa ng mga maliliit na kuto ay madalas sa mga bahaging tulad ng dibdib, tiyan, puwit, mga braso at kamay, gayundin, sa maseselang bahagi ng katawan ng babae at lalaki, mga binti at paa.
Ano ang salik na nagpapataaas ng panganib ng pagkahawa nito?
Ang anumang gawain na mangangailangan ng pagdikit ng mga balat tulad ng pakikipagtalik, pakikipagyakapan at iba pa ay mataas ang panganib ng pagkahahawa sa sakit. Ang maliliit na kuto ay hindi nakatatalon o lumilipad, bagkus, nakalilipat lang sa balat ng iba kung magdidikit ang mga balat, gayunman, mababa lamang ang posibilidad ng pagkakahawa nito sa mga eskuwelahan at palaruan.
Maaari bang makuha ang galis mula sa mga aso at pusa?
Ang mga maliliit na kuto na nakaaapekto sa mga alagang hayop ay iba sa mga kuto na nagdudulot ng galis sa mga tao. Ang mga pulgas ng alagang hayop ay maaaring magdulot lamang ng pangangati ngunit, hindi ito makapagpaparami at magtatagal, hindi tulad ng mga kuto ng tao na kayang magparami at magdulot ng paggagalis sa balat kung hindi magagamot.
Narito ang ilan sa mga gamot na madalas inirereseta para sa mga galis sa balat:
Permethrin — maaaring gamitin ang permethrin sa balat mula leeg pababa sa katawan. Ito ay ipinapahid sa apektadong bahagi at iniiwan sa balat nang magdamag bago banlawan at kadalasang isinasagawa sa loob ng isang linggo.
Lindane — ito ay lotion na ipinapahid din sa apektadong balat ngunit, dapat tandaan na ito ay maaaring magdulot ng panginginig ng mga kalamnan (seizure) at ipinagbabawal sa buntis o sa nagpapasuso.
Ivermectin — ito ay iniinom na gamot para sa ilang kondisyon ng pagkakaroon ng parasitiko sa katawan kabilang na ang pagkakaroon ng galis.
Crotamiton — ang gamot na ito ay ipinapahid din sa apektadong bahagi para sa mga matatanda, pero hindi ito rekomendado sa balat ng mga bata.
Sulfur — ito ay inihahalo sa cream na mabisa at ligtas na paraan para maalis ang pananalasa ng mga kuto sa balat.
Diphenhydramine — maaari ring gumamit ng diphenhydramine upang maibsan ang pangangati na nararanasan.
Comments