Pagbibigay ng diskuwento sa pasahe, ipatupad sa lahat ng uri ng pampublikong sasakyan
- Ryan B. Sison
- Jun 5, 2019
- 1 min read

“MANONG, bayad estudyante!”
Naranasan na ba ninyo ‘yung ilang beses na kayong nagsabi ng estudyante, pero parang bingi ‘yung drayber ng jeep? Kaloka!
Dahil opisyal na ang balik-eskuwela, balik-diskuwento na rin ang pamasahe sa mga estudyante, kaya hiniling ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mahigpit na ipatupad ang student fare discounts sa lahat ng public utility vehicles.
Ito ay dahil maraming drayber ang pasaway kung saan gumagawa sila ng paraan para samantalahin ang mga estudyanteng walang kalaban-laban.
Gayunman, sa ngayon ay hindi pa rin naaaprubahan ang pagbibigay ng discount sa mga taxi, FX at ride-sharing application na Grab na maituturing ding public utility vehicle (PUV) at isa ito sa mga dapat ikonsidera ng pamahalaan dahil maraming estudyante ang gumagamit nito, lalo na kung matindi ang trapik at umuulan na unti-unti nating nararanasan.
Samantala, ang paalala sa mga estudyante, kung sakaling makaeengkuwentro kayo ng drayber na hindi nagbibigay ng diskuwento, ipagbigay-alam agad ito sa mga kinauukulan nang sa gayun, sila ay masampulan at maparusahan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments