Mga komunistang partylist, hindi na bumenta sa taumbayan

ANG administrasyong Duterte lang ang nagkaroon ng tapang at lakas ng loob na ibulgar ang koneksiyon sa pagitan ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) at mga partylist sa Kongreso at iba pang grupo na “front” lang ng mga pulahan.
Matagal nang istratehiya ng CPP-NPA ang pasukin ang iba’t ibang organisasyon para magkaroon sila ng “mukha” na kunwari ay sibilyan, pero ang katotohanan ay taliwas dito.
Ang layunin ng CPP-NPA at kaalyado nito ay pabagsakin ang Republika ng Pilipinas. Hindi sila titigil hangga’t hindi napapalitan ang ating sistemang politikal para maging diktador ang CPP-NPA.
Sa dilawan d’yan na patuloy na sumusuporta sa CPP-NPA, kayo at ang mahal ninyong Simbahan ang unang titirahin ng mga ito kapag nagwagi sila.
Sa media riyan na sumusuporta rin sa CPP-NPA, ipakukulong din kayo ng mga komunista dahil “bourgeois intellectuals” kayo.
Kabilang sa organisasyon na nahawakan ng CPP-NPA ay ang mga non-governmental organization (NGO), foundation at pati na rin ang ilang partylist group sa Kongreso.
Sa pamamagitan ng mga grupong ito ay nakakukuha ang pulahan ng pondo mula sa mga tagasuporta nila na nakabase sa Europa at Estados Unidos. Milyones ang pinag-uusapan dito, Euro o dolyares pa.
Samantala, ang mga komunistang partylist group ay sa Kongreso mismo nakakukuha ng pera. Malaki ang suweldo ng mga kongresista sa partylist at may budget pa para sa kanilang mga staff.
Paanong nangyari ito na napasukan ng mga komunista ang ating Kongreso? Ito ay dahil sa partylist system na isinagawa noong panahon ni dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino.
Kunwari ay para sa mahihirap ang partylist system, pero sa totoo lang, mula 1986, puro mga kaalyado ng komunista, bilyunaryo, laos na pulitiko at religious organization lang ang nakapapasok bilang partylist.
Hindi lang sa mga banyaga nakakukuha ng pondo ang mga komunista kundi pati na rin sa kanilang mga tagasuporta na miyembro ng Kongreso.
Hindi ganu’n kaganda ang sistema ng partylist pero, bakit patuloy na binibigyan ng gobyerno ng pondo ang mga grupong nais lamang wasakin ang demokrasya? Parang binigyan mo sila ng pera para bumili ng baril na pampatay sa’yo!
Sa mga nalilikom na pera ng CPP-NPA, nakabibili sila ng dagdag-armas para ma-ambush ang mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP), pati na ang kapulisan at lokal na opisyal na kumokontra sa kanila.
Ang 17th Congress ay may pitong kongresista na kaalyado ng CPP-NPA. Lahat ng mga ito ay nabigyan ng pera mula sa kaban ng bayan at nagkaroon pa sila ng plataporma para maipagkalat ang propaganda ni Joma Sison, lider ng mga komunista na nasa permanenteng bakasyon sa The Netherlands.
Mabuti na lang at nagdesisyon ang administrasyong Duterte na labanan ang mga komunista matapos nilang bastusin ang “peacetalks” na ilang ulit nang inihahain ng bawat bagong administrasyong pumapasok.
Paano magkakaroon ng kasunduan kung ayaw ng CPP-NPA na ibaba ang armas nila?
Papayag ba ang Republika ng Pilipinas na magkaroon ng sariling armed forces ang CPP-NPA, ano sila hilo?
Mabuti na lang at natauhan na rin ang mga botante at nakitang peke lang ang mga partylist, lalo na ang kaalyado ng mga komunista.
Ang ebidensiya ay ang malaking pagbagsak ng bilang ng mga boto na nakuha ng mga pulang partylist group nitong katatapos lamang na halalan 2019.
Ang mga boto para sa Gabriela ay nabawasan ng kalahati mula sa 1.4 milyon na nakuha nito noong 2016 sa 450,000 boto na lamang nitong huling eleksiyon.
Ayon sa militar, dumarami na ang nagbabalik-loob na mga komunista. Bawat araw ay may sumu-surrender daw sa kanila.
Mahigit 6,000 miyembro raw ng NPA ang sumuko at sinabing gusto na raw nila ng mga normal na buhay.
Nawawalan na ng taong mauutusan si Joma Sison kaya naging desperado na ito.
Hinaharang na rin ng gobyerno sa Europa ang mga pondong ipinadadala nila sa mga pulahang NGO at “front” nila tulad ng Rural Missionaries of the Philippines, League of Filipino Students, ACT Teachers, Migrante, Bayan Muna, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at iba pa.
Sana ay tigilan na ng mga komunista ang pakikipaggiyera sa Republika ng Pilipinas.
Magaling ang pangulo natin ngayon, umuunlad na ang ekonomiya, dumarami ang imprastruktura, bumababa ang presyo ng mga bilihin at inaasahang mababawasan ang bilang ng mahihirap.





Comments