top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

PASIG AT BALANGA, TULOY SA FIBA 3X3 MOSCOW

A. Servinio
Jun 4, 2019
2 min read

TULOY pa rin ang lakbay ng Pilipinas patungo sa 2020 Tokyo Olympics sa paglahok ng Pasig Chooks at Balanga Chooks sa FIBA 3X3 Moscow Challenger sa Russia ngayong Hunyo 7 hanggang 8.

Ang nasabing palaro ay magsisilbing qualifier para sa FIBA 3X3 World Tour Prague Masters sa Czech Republic sa Agosto 3 at 4 kung saan mas marami at mas maraming puntos ang puwedeng makuha ng Pilipinas upang lalong umangat sa FIBA rank.

Kakatawan sa Pasig sina Taylor Statham, Joshua Munzon, Dylan Ababou at ang nagbabalik na import na si Nikola Pavlovic.

Ang mga lalaro para sa Balanga ay sina Alvin Pasaol, Karl Dehesa, import Travis Franklin at ang baguhang si Chris de Chavez na kinuha sa Valenzuela Classic bilang kapalit kay Leonard Santillan.

Ang Pilipinas ang tanging bansang Asyano na lalahok kontra sa 14 mga bigatin ng U.S. at Europa. Ilan sa mga napipisil na maagang paborito ay ang Novi Sad at Belgrade ng Serbia, Riga ng Latvia, Princeton ng U.S. Kranj ng Slovenia, Gdansk ng Poland at ang mga lokal na koponan na Gagarin, Moscow Inanomo at Sosnovy Bor ng Russia.

Parehong lumahok ang Pasig at Balanga sa unang yugto ng World Tour Masters noong Abril sa Doha, Qatar kung saan nagtapos sa 5th at 6th place ang mga pambato ng Pilipinas. Naglaro rin ang Pasig sa Kunshan Challenger noong Mayo 18 pero nabigo sa quarterfinals.

Nakapasok ang Pasig sa bisa ng husay na pinakita nila sa Doha at Kunshan. Samantala, binigyan ng wild card ang Balanga ng mga organizer at dahil dito, baka kailanganin muna nila maglaro sa qualifying round sa umaga ng Biyernes bago tumuloy sa main draw sa hapon.

Pagkatapos ng unang dalawang yugto ng FIBA 3X3 World Tour Masters sa Doha at Chengdu, ang Pasig ay may 50 puntos habang 45 ang puntos ng Balanga para sa 8th at 9th place sa 22 na koponan.

Ang unang 12 pagkatapos ng 11 yugto ng Masters ang makakapasok sa Grand Finals sa Utsonomiya, Japan sa Nob. 2 at 3.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page