Nakita ang sarili sa salamin
- BULGAR

- Jun 4, 2019
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Raven ng Raven_Alcala@facebook. com
Dear Professor,
‘Yung pinsan ko ay nanaginip na binigyan daw siya ng salamin ng kanyang tita at masayang-masaya raw siya nu’ng ibinigay ito sa kanya at nakita niya ang sarili niya sa salamin.
Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Raven
Sa iyo Raven,
Nakikita ng mga mata ang lahat, pero hindi nakikita ng mga mata ang sarili niyang mga mata. Kaya inimbento ang salamin o mirror.
Kitang-kita na sobrang mahalaga na mayroon tayong salamin nang sa gayun ay nagkakaroon tayo ng reflection sa buhay natin.
Pero, alam mo ba na ang unang salamin sa mundo ay hindi inimbento ng tao? Ito ay ang malinaw na balon ng tubig kung saan makikita ng tao ang kanyang sarili. Hindi madaya ang salaming ito, hindi tulad ng salamin ngayon na may daya dahil minsan, ang nagsasalamin ay gumaganda o mas maganda sa totoong ganda niya.
Ayon sa kasaysayan, may taong nagsalamin sa balon na sobrang linaw ng tubig, nakita niya ang kanyang sarili na sobrang ganda kaya na-in love siya sa sarili niya. Ang pangalan ng nagsalamin na na-in love sa sarili niya ay Narcisa kaya ang salitang “Narcissistic personality” ay mula mismo sa pangalan ni Narcisa. Ito ay ang pagmamahal sa sarili at ayaw ng magmahal ng iba.
Kaya sobrang delikado kapag palagi tayong nakatingin sa salamin dahil talagang malaki ang tsansa na ang taong madalas magsalamin ay puwedeng ma-in love sa kanyang sarili.
Kaya puwede mong sabihin sa pinsan mo na ang panaginip niya ay nagbababala na siya ay mai-in love sa kanyang sarili na hindi dapat mangyari.
Sa huli, malulungkot siya at mangungulila sa pag-iisa at kaya niyang sapitin ang ganitong masaklap na kalagayan ay dahil babae siya at ang babae ay kailangang maranasan ang tinatawag na womanhood kung kailan dapat siyang makaranas ng pagmamahal ng lalaki at siya ay mayakap, mahalikan, makapag-asawa at magkaanak at maging isang ina. Ito ang kabuuan ng womanhood na hindi mararanasan ng mga babae na takot ma-in love sa iba, pero in love sa sarili niya.
Muli, sabihin mo sa pinsan mo na ito mismo ang kahulugan ng kanyang mga napanaginipan nang sa gayun ay magising siya sa katotohanan na siya ay babae na kailangan magka-boyfriend at magkapamilya.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo




Comments