Babala sa ilang araw nang inuubo!
- BULGAR

- Jun 4, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Ako ay may ubo ilang araw na ang nakararaan at hindi pa rin nawawala. Nag-antibiotic ako ng 7 araw, pero may plema pa rin at nararamdaman kong dahil dito ay sumisikip ang aking dibdib at nahihirapan akong huminga. Ang sabi ng nanay ko ay baka raw may hika ako dahil ganito rin ang naranasan ng kapatid kong may hika. Paano ba malalaman kung may hika ang tao? — Katie
Sagot
Ang hika ay isa sa pinakapangkaraniwang sakit ng nakararami. Ito ay sanhi ng pagbara ng daanan ng hangin na nagpapahirap sa paghinga ng mga mga taong mayroong ganitong sakit. Kung may hika, malamang na nagkakaroon ng paminsan-minsan o madalas na panandaliang pamamaga ng daanan ng hangin na nagdadala ng oxygen patungo sa baga. Ito ay nagdudulot ng mga sintomas tulad ng pag-ubo, pagbahing, pagiging hirap sa paghinga at paninikip ng dibdib. Ang malubhang kaso ng hika ay maaaring may sintomas tulad ng pagiging madaling mapagod at kahirapan sa pagsasalita.
Ayon sa ilang pag-aaral, maaaring makamatay ang hika, lalo na kung ito ay poorly controlled, ibig sabihin, walang sapat na gamot o maaaring hindi ito nada-diagnose, gayundin, maaaring magkaroon ng impact kung ang pasyente ay may iba pang co-morbid diseases.
Ang mga taong may hika ay may napakasensitibong daanan ng hangin na maaaring tumugon sa iba’t ibang bagay sa kapaligiran. Ang pagkakalantad sa mga bagay na ito ay maaaring maging simula ng mga sintomas o paglala ng hika.
Ang mga sumusunod ay ilan sa mga bagay na maaaring magpasimula ng hika:
mga impeksiyon tulad ng sinusitis, sipon at trangkaso
matapang na amoy ng pabango, mga kemikal na panlinis o polusyon sa hangin
pollen ng bulaklak, alikabok o balahibo ng mga alagang hayop
usok ng sigarilyo
sobrang pag-eehersisyo
pabagu-bagong panahon
mga paggamot na may aspirin
Kung may hika, huwag mag-atubiling sumangguni sa doktor. Maaaring makipag-usap sa isang ekspertong pulmonologist na siyang magbibigay ng mabisang treatment procedure para sa sakit. Maaaring magbigay ang doktor ng mabisang gamot laban sa mga sintomas na dinaranas sa kasalukuyan.
Kung may hika, kailangang malaman kung anu-ano ang mga bagay na nakapagpapalala ng sakit. Totoong ang pagkakaroon ng hika o asthma ay isang panghabambuhay na pakikipagtunggali. Ngunit, palaging isaisip na ang kaalaman at ang wastong pag-iingat ay maaaring magpagaan sa pagharap sa ganitong uri ng sakit.





Comments