top of page

Worried dahil sobrang sumasakit ang puson tuwing nagkakaroon ng regla

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 3, 2019
  • 3 min read

Dear Doc. Shane,

Sa tuwing ako ay mayroon buwanang da­law ay sobrang sakit ng aking puson. Ang masa­ma, hindi ako nakapapa­sok sa trabaho kapag sinusumpong ako nito. May nakapagsabi sa akin na ang nararanasan ko raw ay tulad din ng sa kanya at siya raw ay may endometriosis. Ito raw ang dahilan kaya hindi sila nagkaroon ng anak ng kanyang mister. Totoo ba ito? Sana ay masagot ninyo ang aking katanu­ngan. — Eunice

Sagot

Ang endometriosis ay kalagayan kung saan ang endometrium (ang loob na lining ng matris) ay nagsimulang tumubo sa labas ng bahay-bata at sa mga kalapit na bahagi tulad ng mga obaryo, fallopian tube, pantog o mga bituka. Karaniwan, ang endometrium ay kumakapal upang maihanda ang bahay-bata para sa pagbubuntis at kung hindi magbubuntis, ang endometrium ay humihi­walay sa matris at lumalabas bilang regla patungong ari. Sa endometriosis, ganito rin ang nangyayari sa endometrial tissue sa labas ng bahay-bata: Kumakapal at luma­labas pero dahil sa walang malabasan, ito ay kinukuha ng katawan. Ang ganitong kalagayan ay napakakarani­wan at nakaaapekto sa 10 hanggang 20 porsiyento ng mga babaeng nasa edad na may kakayahan nang ma­nganak. Ito ay karaniwang nangyayari lamang sa edad na maaari nang magbuntis, maaaring magsimula kapag teenager. Kung minsan, ito ang nagiging dahilan ng impertilidad.

Ano ang mga sintomas ng endometriosis?

Ang pinakakaraniwang sintomas ng endometriosis ay pananakit. Ang pananakit ay nararanasan bago o habang nagreregla. Maaari rin itong mangyari habang nagtatalik. Ang pananakit ng endometriosis ay malala sa ilang babae. Bagama’t, mas hindi karaniwan, maaaring makaramdam ng pananakit kapag umiihi o dumudumi, pananakit sa bandang ibaba ng likod, masyadong malakas na regla o pagkapagod. Ang mga sintomas ay karaniwang bumubuti matapos ang pagbu­buntis at karaniwang nawa­wa­la kapag nag-menopause na.

Ang endometriosis ay mabibigyan ng lunas, pero hindi magagamot. Ang mga panggagamot ay nakatutu­long para maibsan ang pananakit at para mapabuti ang pertili­dad. Kabilang sa panggamot ay ang medikas­yon, operas­yon o kumbinas­yon nito. Ang pagpili ng panggamot ay batay sa mga sintomas, sa edad at sa kagustuhang magbuntis. Ang mga babaeng may mild o bahagya lamang na mga sintomas o walang nararana­sang anumang sintomas ay maaaring hindi na mangaila­ngan ng anumang panggaga­mot. Para makontrol ang pananakit, ang mga gamot na hindi na nangangailangan ng reseta tulad ng ibuprofen (Advil® at iba pa) o acetaminophen (Tylenol® at iba pa) lamang ang kakailanganin. Ang mga gamot na hormone ay ginagamit para mabawa­san ang pananakit at pagdu­rugo sa mga babaeng ayaw nang magbuntis. Kabilang sa mga gamot na ito ang mga pildurang panghadlang sa pagbubuntis, patch, vaginal ring at isang intrauterine device na may progesterone tulad ng Mirena® o progestins (tulad ng Provera®, Depo-Provera®). Ang mga gamot na mas matitindi ang talab (tulad ng Danazol®, Lupron®, Synarel® at Zoladex®) ay kinakailangan kung minsan. Umaabot sa 60-90 porsiyento ang galing ng naging pagtalab sa pagpapagaling o success rate ng mga gamot na ito. Kung ang gamot ay hindi nakatulong o kung gustong magbuntis, ang operasyon ay maaaring irekomenda sa iyo. Kung minsan, ang laparos­copic surgery ay kina­kailangan upang makita at magamot ang endometriosis. Sa panahon ng ganitong uri ng operasyon, ang endometriosis ay maaaring makita at puksain. Ang pinakahuling isinasa­alang-alang na pama­maraan at sa mga malubhang kaso lamang ginagawa ay ang hysterectomy (pag-aalis ng bahay-bata sa pamamagitan ng operas­yon) para maka­tulong sa sakit. Umaabot sa 45–90 porsiyento ang galing ng naging epekto sa pagpa­pagaling o success rate ng iba’t ibang uri ng operasyon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page