top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Mga baguhang senador, atat agad makakuha ng mataas na puwesto sa komite, hmmm...

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 3, 2019
  • 2 min read

AYON kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson, nagtataka ang mga beteranong senador sa kagustuhan ng mga baguhang senador na makakuha ng mga komite, partikular ang mga mahahalagang komite. Ngayon lang daw nangyayari ‘yan.

Ang tradisyon ay sa mga beteranong senador muna ang mga mahahalagang komite at bibigyan na lang ang mga baguhan matapos ang ilang buwan para masanay muna sila sa kalakaran sa Senado.

Ang nangyayari ngayon sa Senado ay patunay sa kumpiyansa ang mga baguhang senador, partikular ang mga hindi pa nailalagay sa ganitong posisyon na makuha ang nais nila dahil may suporta sila ng pinakamataas na opisyal ng bansa. Hindi baleng wala silang alam o karanasang magpatakbo ng komite dahil ang mahalaga ay makuha nila. Hindi pa nauupo ang mga bagong senador ay pumuposisyon agad para makuha ang mayorya. Manonood na lang ang minorya sa kanilang pagsasapa­laran, ganu’n ba?

◘◘◘

Sa mga hindi nakakilala kay Archimedes Trajano, siya ang aktibistang mag-aaral. Matatandaang, ang nasabing mag-aaral ang nagtanong noon kay Imee Marcos kung bakit ang anak ng pangulo ang mamumuno sa Kabataang Barangay at hindi rin umano nito makukuha ang kanyang posisyon kung hindi ito anak ng pangulo na mukhang hindi nagustuhan ng panganay na anak ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na hindi naman daw sumagot.

Samantala, agad naman hinilang palabas ng mga bodyguard si Trajano at matapos ang dalawang araw na hindi siya makita ay natagpuan ang kanyang bangkay sa kalsada. May mga ebidensiya ng pag­ma­malupit sa kanyang duguang katawan.

Ngayon, mukhang bumabalik ang multo ni Trajano. Nagsalita si incoming Senador Imee Marcos sa isyung ito. Wala raw siyang kinalaman dito, bata pa raw siya noong panahong ‘yun at wala raw siya sa bansa. Isa-isang pinabulaanan ng pahayagan ang lahat, ito ang tatak ni Imee Marcos.

Sa panahong ito, nakukuha niyang lusutan ang lahat ng isyung tumutugis sa kanya, ang kanyang tinapos na edukasyon kung saan-saan at ngayon, balik na naman kay Trajano.

Sa kabila nito, sinampahan ng kaso ng ina ni Trajano si Imee at nanalo sa Hawaii noong 1991. Pero, dahil sa mga nakitang butas sa batas, nakalusot muli si Imee.

Napakadaling baguhin ng kasaysayan ngayon, dahil ang mga batang hindi alam ang nakaraan ang inaawitang boto. Tunay na mahalagang malaman nila ito. Ito ang kalibre ng senador na inendorso ng Pamilya Duterte.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page