Karapatan ng manugang sa mana ng kanyang biyenan
- BULGAR
- Jun 2, 2019
- 2 min read
ANG karapatan ng tagapagmana ay nakapaloob sa ikatlong aklat ng Civil Code of the Philippines. Sa Article 774 ng nasabing batas, ang pagmamana ay binigyan ng kahulugan bilang isang uri ng pagkakakuha ng ari-arian, karapatan o obligasyon sa kabuuan ng halaga ng mana ng isang tao na maaaring maipasa mula sa kanyang kamatayan sa ibang tao sa pamamagitan ng kanyang huling habilin o sa kawalan nito ay sang-ayon sa sinasabi ng batas.
Ang bawat tao ay may karapatang gumawa ng kanyang huling testamento nang sa gayun ay mahati niya ang kanyang mga pinagpagurang ari-arian sa kanyang mga mahal sa buhay nang naaayon sa kanyang kagustuhan. Subalit, kaakibat ng karapatang ito ay ang mga limitasyong itinalaga ng batas. Maliban sa mga parte ng mga ari-ariang nakatalaga para sa mga sapilitang tagapagmana, maaaring ipamigay ng tao sa pamamagitan ng kanyang huling testamento ang kanyang mga ari-arian sa mga tao o institusyong kanyang napili.
Ayon sa batas, ang mga sapilitang tagapagmana ay ang lehitimong anak o descendants. Sa kawalan ng anak, ang lehitimong mga magulang o ninuno, buhay na asawa at hindi lehitimong anak (kung mayroon man). Sa mga nabanggit, ang lehitimong mga magulang ng namatay ay hindi maaaring magmana sa nasabing namatay kapag mayroong mga anak ang huli sapagkat ayon sa batas, isinasantabi ng lehitimong anak ang karapatan ng lehitimong mga magulang ng taong namatay na magmana sa kanya. Gayundin, kinakailangang patunayan sa pamamagitan ng ebidensiya ng hindi lehitimong anak ang kanyang relasyon sa namatay sapagkat ang lehitimong mga tagapagmana ay binibigyan ng batas ng proteksiyon.
Kapag ang tao ay namatay nang walang huling habilin o testamento o may huling habilin, subalit, ito ay hindi balido, mahahati ang kanyang mga iniwang ari-arian nang naaayon sa probisyon ng batas na tumutukoy sa legal o intestate succession. Ang pagkakaayos o pagkakasunud-sunod ng mga magmamana, sa legal o intestate succession ay ayon sa mga sumusunod:
Lehitimong anak at ng kanilang lehitimong descendants (kasama ang mga legitimated at adopted);
Lehitimong mga magulang o ninuno;
Hindi lehitimong anak at ng kanilang descendants (kasama ang lehitimo at hindi lehitimo);
Ang buhay na asawa;
Kamag-anak hanggang sa 5th degree ang estado.
Sa 3 nabanggit na tagapagmana ay hindi nakalagay ang manugang bilang tagapagmana ng kanyang biyenan, subalit, kung ang manugang ay naging mabuti at napamahal nang husto sa kanyang biyenan, maaaring mabigyan niya nito ng mana sa pamamagitan lamang ng huling habilin. Kailangan lamang na ang mana ng mga sapilitang tagapagmana nito ay naibigay na sa kanila.
Sa madaling salita, ang mana ng manugang mula sa kanyang biyenan ay kukunin lamang sa free portion ng estate nito. Tanging ito lamang ang matitira na bahagi sa mga iniwang ari-arian matapos mabigyan ang mga sapilitang tagapagmana ang siya lamang ari-arian na maaari niyang ipamahagi sa kanyang manugang.
Comments