TOP 8, TARGET NI DIAZ, PARA SURE SA TOKYO OLYMPICS

PARA muling makapagbuhat sa Olympic Games at masungkit ang mailap na gintong nakalusot sa kanya sa nakaraang Olympiad sa Brazil na nauwi sa pilak, sinabi ni Hidilyn Diaz na kailangang makapasok siya sa top eight at makapaglaro sa 2020 Tokyo Olympics.
“Back to zero ako. Ang order ng International Weightlifting Federation, lahat ng medalists sa nakaraang Olympic Games sa Brazil ay kailangang sumali sa qualifying tournaments,” sabi ni Diaz sa una niyang pag-guest sa TOPS Usapang Sports sa NPC, Intramuros kahapon kasama si ABAP secretary general Ed Picson na tinalakay naman ang paghahanda ng boxers sa SEA Games.
“Kailangang makapasok ako sa top 8 sa aking division 53 kg. para makapaglaro sa Tokyo Olympics,” wika ni Diaz na may bagong boy’s haircut. Aniya, mayroong anim na qualifying ang weightlifting at kailangang ihanda niya ang pisikal at isipan para hindi mabigo at muling makapagbuhat sa Olympic Games tampok ang mahigit 100 mga bansa.
Ayon sa kanya, huli na niyang Olympic Game ito, win or lose. “Hindi na ako bata. I’m already 29 years old. After the Tokyo Olympics, I will retire and focus my attention to my family,” aniya na tubong Zamboanga.
Pa-China si Diaz next week para mag-training ng 2 buwan bilang paghahanda sa World Weightlifting sa Setyembre sa Chiang Mai, Thailand at SEAG kung saan ipagtatanggol niya ang korona. Kasama ni Diaz ang Chinese coach na si Kai Weng Gao para gabayan siya sa training at maging perpekto ang lifting skill bilang paghahanda sa torneo sa Thailand. Karamihan sa kalaban niya ay lifters na nakalaban niya noong 2016 Brazil Olympics.
“I am facing the same lifters I met in Brazil. Ang goal ko ay makapaglaro uli sa Olympics. Para matupad ko ito, kailangang handa ako at 100 percent in top shape” ani Hidilyn. “The two months training is very important in her preparation for the World Weightlifting in Thailand,” sabi ni Gao at aniya may 50 mga bansa ang kalahok sa Chang Mai.
Kung matatandaan, nanalo si Diaz sa Asian Weightlifting sa Thailand at naglaro sa Olympic qualifying tournament na ginawa sa John Brown Convention Centre sa Houston, Texas, USA kasama si Weightlifting Association of the Philippine vice president Prof. Elbert “Bong” Atilano at matagumpay na nanalo ng pilak sa 2016 Brazil Olympics.





Comments